Feeling guilty
Dear Dr. Love,
Naaawang naiinis po ako sa isa kong kamag-anak dahil naipasara ang internet cafe niya na nasa tabi ng kanyang bahay. Bukod sa wala itong permit to operate mula sa city hall ay isinuplong ito ng mga ina ng mga batang naloloko sa mga internet.
Feeling guilty po ako dahil narinig ko ang pagbabanta ng mga magulang laban sa internet café ng aking pinsan pero hindi ko siya inalarma.
Umiiyak si Manang Dory nang magpunta sa aming bahay at nagsumbong sa buong pangyayari. Bagaman hindi nakulong ang kanyang anak na si Jojo ay malaking halaga naman ang hinihingi sa kanila, pambayad ng multa. Inuutangan niya ako ng pampadulas sa raiding team. Pero nagkataon na bayaran ng matrikula ng aking mga anak kaya wala akong maaipapahiram sa kanya.
Masama ang loob niyang umalis at ang nakakaloka ay itsinitsismis niyang ako ang nag-tip para maipasara ang kanilang internet cafe. Kukumprontahin ko na sana siya pero nakapagpigil ako.
Ang sabi ni Aling Rosa, may-ari ng tindahang malapit sa amin, pasalamat pa si Manang Dory dahil hindi kinasuhan ng pagtutulak ng droga ang kanyang anak. Dahil totoo namang front ng pot-session ang internet café. Ang anak nga raw niya ay sapilitang pinagbebenta ng marijuana ni Jojo nang hindi makabayad sa pagkakautang sa paggamit ng internet.
Alam anya ni Manang Dory ang ginagawang ito ng kanyang anak at kinukunsinti niya ito dahil nabibigyan siya ng pera ni Jojo.
Dahil sa nalaman ko ay nagdadalawang-loob na akong mangutang para sa kanya upang mabuksan muli ang internet café nila. Tama po ba ang desisyon kong ito? Dapat din bang manahimik na lang ako sa tsismis na ikinakalat ni Manang Dory laban sa akin?
Gumagalang,
Concerned Citizen ng Q.C.
Dear Concerned Citizen,
Kung totoo nga ang sinasabing bentahan ng bawal na gamot, dapat na walang tumulong sa kanila para hindi na mabuksan pa ang internet café na iyon. Tungkol naman sa pagtsitsismis niya sa iyo, huwag mo nang patulan dahil natitiyak mo naman na malinis ang konsensiya mo. Kaya may peace of mind ka.
DR. LOVE
- Latest