May tantrum si Misis
Dear Dr. Love,
Kumusta po at isang mabiyayang araw sa inyo at sa lahat ng inyong mga readers.
Pakitago n’yo na lang ako sa pangalang Rogel, 41-anyos po, may asawa at isang anak.
Napakabugnutin ng misis ko. Mahal ko siya pero napipika ako sa ginagawa niyang pagbabasag at pagsira ng mga gamit kapag may pinag-aawayan kami.
Pati sarili niyang kapatid na nakapisan sa amin ay pinagtatabuyan niya kapag mainit ang ulo.
Minsan nangangamba ako na baka ma-trauma ang anak naming 4-anyos sa pagiging bayolente niya.
Kung mahina-hina ako, matagal ko na siguro siyang hiniwalayan. Pero ayaw kong magkaroon ng broken home alang-alang sa aming anak.
Hindi ko malaman kung insecure siya. Pagpayuhan mo po ako.
Rogel
Dear Rogel,
Kung talagang nagbabayolente siya ng walang rason, baka may psychological disorder siya. Minsan, may mga chemical imbalance sa tao na dahilan para maging kakatwa ang kilos niya.
Pero alamin mo muna kung talagang walang dahilan ang pagwawala niya bago sabihing may diperensya siya sa isip.
Sabi mo baka insecure. Tanungin mo ang iyong sarili, may dahilan ba para siya ma-insecure? Hindi ka kaya nagkukulang ng atensyon sa kanya? Ang sino mang asawa ay naghahanap ng atensyon at kapag nagkukulang ka ay posibleng mitsa ito ng kanyang pagsusungit.
Ipasyal mo siya kahit minsan sa isang linggo. Importante ang bonding ng mag-asawa.
Dr. Love
- Latest