Pakakasal pa ba sa biyudong partner?
Dear Dr. Love,
Mayroon po akong nobyo sa nakalipas na apat na taon. Wala naman kaming masyadong problema, maliban lang sa nararamdaman ko na nagiging extra lang ako sa kanyang atensiyon dahil ang priority niya ay ang anak na si Charmie.
Batang biyudo po si Liloy. Namatay ang asawa niya sa panganganak sa kanilang anak na si Charmie. Labing-dalawang taon pa lang ang bata nang maging kami ni Liloy. At nang magkaroon ng relasyon, usapan namin kapag nag-16 years old na si Charmie ay pakakasal na kami.
Magkasundo rin kami na sa aming bahay titira si Charmie. Pero ang problema ay ayaw mawalay ng bata sa kanyang mga lolo at lola.
Sa mga nagdaang taon ng relasyon namin ni Liloy, nahihirapan po akong tanggapin na pangalawa lang ako sa kanyang konsiderasyon. Dahil una ang kanyang anak sa mga mahahalagang okasyon at iba pang mga lakad. Kahit pa ang pagde-date namin ay apektado kung may usapan sila ng kanyang anak.
Sinabi ni Liloy na dapat ko namang unawain siya at ang kanyang anak dahil ngayon pa lang sila kapwa nag-e-enjoy ng bonding.
Sa tingin po kaya ninyo, may pag-asa pa ang ganitong relasyon namin ni Liloy? Bakit po ang damdam ko, nagbabago na siya ng pagtingin sa akin?
Maraming salamat po sa pagbibigay ninyo ng pansin sa liham ko at more power to you.
Gumagalang,
Debbie
Dear Debbie,
Simula’t sapol, alam mo na ang lalaking pinayagan mong maging bahagi ng iyong buhay ay may naulilang anak. Kaya anuman ang mga sitwasyong kaakibat nito, dapat tanggap mo. Isa pa, kung tunay ang pagmamahal mo sa iyong boyfriend ay magagawa mo ring mahalin ang mga taong mahalaga sa kanya, sa halip na iturin na kakumpetensiya sa atensiyon niya.
Pero kung ngayon pa lang ay nakakaramdam ka na ng iritasyon, mag-isip-isip ka kung gugustuhin mo pang ilaan ang buong buhay mo sa iyong karelasyon na may anak. Marami pang darating na pagsubok dahil maging ang anak ni Liloy ay siguradong mag-a-adjust din.
Pag-aralan mong mabuti ang kalooban mo para wala kang pagsisisihan sa huli.
DR. LOVE
- Latest