Sa pag-ibig, hindi pa huli ang lahat
Dear Dr. Love,
Bumabati ako sa inyo at sa lahat ng laging sumusubaybay sa Dr. Love.
Nalaman kong mayroong ganitong column mula sa isang kaibigang masugid na suki ng Pilipino Star NGAYON. Mula noon ay lagi na rin akong sumusubaybay sa dyaryong ito lalo na sa column na Dr. Love.
Mangyaring tawagin mo na lang akong Cresing. Sa edad kong 53 ay dalaga pa rin ako dahil lubha akong nasubsob sa aking trabaho bilang public school teacher.
Bagama’t may mga nanligaw sa akin noon, dalawa lang ang naging boyfriend ko. Ang isa ay namatay sa aksidente sa motorsiklo at ang ikalawa’y nag-asawa ng iba.
May limang taon nang walang nanliligaw sa akin. Inakala ko na matanda na siguro ang itsura ko kaya wala nang nagkaka-interes.
Hindi ko sukat akalain na mayroon pang darating na lalaki sa aking buhay. Tawagin mo na lang siyang Rafael.
Kaparehas ko ang edad niya at matanda lang ako ng dalawang buwan. Isa siyang biyudo na may tatlong anak na puro may asawa na.
Sinagot ko na siya pero lihim ang aming relasyon dahil nahihiya ako na sa gulang naming ito ay papasok pa kami sa seryosong relasyon. Gusto niyang magpakasal kami. Tulungan mo akong mag-decide Dr. Love.
Cresing
Dear Cresing,
Wala kayong dapat ikahiya kung ang relasyon n’yo ay seryoso at hindi lang palipas oras. Both of you are matured persons at kahit may edad na, lahat ay may karapatang magmahal.
Kaya kung kapwa kayo umiibig sa isa’t isa, go for it. Hindi pa huli ang lahat sa larangan ng pag-ibig.
Dr. Love
- Latest