Tuliro sa labing- dalawang anak
Dear Dr. Love,
Ako po ay nabibilang sa isang tribo ng minoridad sa lalawigang bulubundukin at nagkapalad na makapag-aral ng kahit bokasyonal at ngayon nga ay isang driver ng taksi dito sa Metro Manila.
Mahigit nang 50-anyos na ako ngayon at mayroong labindalawang anak sa dalawang naging asawa. Nasawi po sa panganganak ang una kong asawa na si Zorayda, pito ang aming anak habang 5 ang anak namin ng kasalukuyan kong asawa na si Sarah.
Nasa akin ang lahat ng mga bata at talaga nga namang nakakapanghihina ang pag-aalaga ng halos magkakasunod na edad nila.
Marahil dahil sa kakapusan sa maraming bagay, kabilang na ang atensiyong kailangan ng bawat isa, maagang nagsipag-asawa ang mga binata kong anak. Iniisip ko naman na ang pagkabagot sa araw-araw na pag-aalaga sa mga bata ang nag-udyok sa aking asawa na mag-tong-its.
Dati ginagawa lang niya ‘yun pagkatapos ng mga gawain niya sa bahay. Ngayon ay mula umaga hanggang gabi na siyang nagsusugal. Lagi rin mainit ang kanyang ulo kapag talunan.
Hindi kaya ng aking kita sa pagmamaneho ng taxi ang lahat naming pangangailangan, nakakaagapay sana ang maliit na loteng nabili namin ng nasira kong asawa dahil pinauupahan ko ito. Pero ang mga anak ko kay Zorayda ay pinaghatian ang paupahan at doon ibinahay ang kanilang sariling pamilya. Marahil kasama ‘yun sa ipinagngingitngit ni Sarah.
Ano po ba ang dapat kong gawin? Hindi ko po maatim na idemanda ang aking mga anak dahil talaga namang ang malaking bahagi ng ibinili namin ng rights sa lote ay mula sa kita noon ng aking nasirang maybahay na kanilang ina.
Maraming salamat po at more power to you.
Gumagalang,
Mateo
Dear Mateo,
Kausapin mo ang iyong mga anak tungkol sa inyong paupahan, nasa iyo ang lahat ng karapatan bilang ama nila. Pero gawin mo ito nang may kahinahunan. Kausapin mo rin si Sarah tungkol sa pagkagumon niya sa tong-its. Walang hindi madadaan sa magandang usapan. Ito ang pagtuunan mo at hindi ang pagdedemanda. Dahil hindi sila iba, anak mo sila.
DR. LOVE
- Latest