Inspirasyon sa buhay ang hiling
Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw ang ipinahahatid ko sa inyo at sa lahat na staff ng PSN.
Ako po si Armando Cartasano isang inmate dito sa Camp Sampaguita, sa pambansang bilangguan sa Muntinlupa City. Apat na taon na po akong naninilbihan sa hatol na iginawad sa akin. Kahit nakabilanggo, naniniwala pa rin ako na balang araw, lalabas din ang katotohanan tungkol sa kaso ko.
Noong unang taon ko rito, sinisikap kong mapanatiling buo ang aking disposisyon sa tulong ng matiyagang pagbisita ng aking asawa, kasama ang aming anak.
Pero pagkaraan ng mahigit isang taon, unti-unti nang dumalang ang pagdalaw niya sa akin. Gusto ko pong labanan ang pagkainip kaya nag-aaral ako sa kolehiyo dito sa loob. Second year na po ako.
Hihingi po ako ng pabor, Dr. Love, na sana sa pamamagitan ng inyong column ay magkaroon ako ng kaibigan sa panulat na magiging inspirasyon ko para sa pagbabagong-buhay.
Maraming salamat po.
Your avid fan,
Armando Cartasano
Dorm Ad College
Medium Security Compound
Muntinlupa City 1776
Dear Arman,
Tunay na hindi biro ang pinagdaraanan ng isang bilanggo. Pero marami na ang nakalampas sa pagsubok na gaya ng sa iyo. Kaya alam ko na magagawa mo ang pagbabagong hangad mo. Inilathala namin ang iyong mailing address para sa sino mang magnanais na tumugon sa iyong kahilingan.
DR. LOVE
- Latest