Stroke victim
Dear Dr. Love,
Sana sa pagtanggap mo ng aking sulat ay nasa maayos kang kalagayan. Nahihirapan na po ako sa pag-aalaga sa aking asawa na biktima ng stroke. Hindi ito dahil sa kanyang kapansanan kundi dahil sa kanyang attitude. Masungit siya at laging sinasabing ibig na niyang mamatay.
Tawagin n’yo na lang akong Ising, 40-anyos at ang asawa ko ay dalawang taon nang biktima ng stroke. Hindi na siya makapagtrabaho kaya siguro masungit dahil akala niya’y wala na siyang silbi sa mundo.
Mabuti na lang at may inaasahan kami sa aming pamilya. Ito ang anak naming nasa Canada na sinusustentuhan kami sa halagang P20,000 kada buwan.
Nalulungkot ako sa aking asawa dahil mukÂhang napakadesperado na niya. Puwede naman siyang maglakad at tumayo basta’t may alalay pero ayaw niyang gawin. Gusto niya’y umupo na lang o humiga at ayaw lumabas ng bahay para mag-exercise man lang.
Nagpapa-therapy siya pero talagang hindi na maibalik ang dati niyang sigla. Sabi ng doktor ay nasa sa kanya kung magbabalik pa ang dati niyang lakas. Ano ang gagawin ko para mabuhayan siya ng loob at ‘di mawalan ng pag-asa?
Ising
Dear Ising,
Sa kalagayan ng iyong asawa, lalo mong ipadama sa kanya ang pagmamahal mo. Huwag kang mainis at huwag kang magpapakita ng indikasyong naiinis ka sa kanya.
Kuwentuhan mo siya ng mga masasayang bagay. Manood kayo ng magagandang palabas sa TV na motivational tulad ng mga taong kagaya niya na nagpapatotoo na sila’y gumaling.
Magbasa ka ng malakas ng Salita ng Diyos dahil ang Word of God ay may power para magbigay ng lakas at kagalingan sa taong may karamdaman.
Ipanalangin mo siya palagi at himuking huwag mawalan ng pag-asa. Mayroon akong kaibigan na magaling na broadcaster na na-stroke, na hanggang sa makakayanan niya ay nag-brodkas pa rin kahit medyo nagbago na ang boses dahil sa kapansanan niya. Hindi siya sumuko hanggang sa huli.
Iyan ang tamang attitude ng lahat ng dumaranas ng stroke. Lahat ng mga nangyayari, gaano man kasaklap tingnan ay may mabuting patutuÂnguhan basta’t nananalig tayo sa Panginoon.
Dr. Love
- Latest