Dedma ang biyanan
Dear Dr. Love,
Pagkatapos ng honeymoon namin, sa bahay kami ng mga biyanan ko tumuloy habang hindi pa tapos ang pinagagawa naming bahay. Ang gumugulo po sa isip ko hanggang ngaÂyon, hindi ko alam kung bakit dedma sa akin ang papa ni Edwin.
Maliban po sa papa aniya ay okey naman ang pakitungo sa akin ng biyanan kong babae at ng mga kapatid ng aking asawa.
Nang minsang dumalaw ang kapatid ni Edwin na si Dan kasama ang asawang si SoniaÂ, naobserbahan ko po na magiliw naman ang biyanan kong lalaki sa bilas ko.
Lihim kong tinanong si Sonia tungkol sa obserbasyon ko, ang sabi niya baka nadamay lang ako sa galit ng aming biyanan kay Edwin. Dahil ang gusto nito ay sa bahay nila kami tumira. Tutol din umano ito sa pagpapakasal namin sa huwes.
Bunso po kasi si Edwin sa kanyang pamilya at sinasabing ang bahay ng kanyang mga magulang ay ang siyang ipapamana sa kanya. Magkaiba rin po kami ng relihiyon, Katoliko ako habang Protestante naman ang pamilya ng aking asawa. Kaya para walang samaan ng loob, sa huwes kami nagpakasal.
Kinausap ko si Edwin tungkol sa problemang ito pero ang payo niya, dedma lang din ako sa hindi magandang ipinakikita ng kanyang ama. Matatauhan din anya ito tulad nang nangyari noon sa asawa ng panganay niyang kapatid.
Ano po ang maipapayo ninyo sa akin? Hindi po ako komportableng tumira sa isang bahay kung mayroong nagagalit sa akin. Dapat ko po bang kausapin ang biyanan kong lalaki?
Maraming salamat po at hintay ko ang kasagutan ninyo.
Gumagalang,
Conie
Dear Conie,
Sundin mo ang payo ng asawa mo, dahil higit niyang kilala ang kanyang ama. Basta panatilihin mo ang pagiging mabuting manugang sa kabila ng lahat. Anong malay mo, baka sa kabutihan na patuloy mong ipapakita sa iyong biyanang lalaki ay lumambot ang puso niya at ma-realize niyang baguhin ang pakikitungo sa iyo.
DR. LOVE
- Latest