Silahis si mister
Dear Dr. Love,
Malugod muna akong bumabati sa iyo ng isang pinagpalang araw.
Tawagin mo na lang akong Lorna, 20-anyos at bagong kasal.
Maglilimang buwan na kami ng aking asawa at isang shocking revelation ang nalaman ko sa kanya.
Ipinagtapat niya sa akin na isa siyang silahis at sana raw ay matanggap ko siya sa ganyang kalagayan niya.
Hindi ko ito matatanggap kailan man dahil may takot ako sa Diyos at ipinagbabawal Niya ang ano mang homosexual relations.
Magmula nang malaman ko iyon ay ayaw ko nang sumiping sa kanya pero mukhang hindi siya nababahala.
Dinadala pa niya sa bahay ang kanyang boyfriend at natutulog sa kabilang silid.
Lihim akong tumatangis sa nangyaring ito sa amin. Mahal ko ang asawa ko pero mas mahalaga sa akin ang Diyos at ang Kanyang Salita.
Ano ang gagawin ko?
Lorna
Dear Lorna,
Binabati kita sa tatag ng iyong pananampalataya. Tama ang tinuran mo. Kung siya ay isang gay pero itinakwil na niya ang gay practice, puwede ‘yon.
Pero mukhang matimbang sa kanya ang pakikipag-relasyon sa kapwa lalaki at iyan ay isang bagay na ‘di dapat kunsintihin.
Kausapin mo siya at sabihing makikisama ka lang sa kanya kung tatalikuran na niya ang pakikipagrelasyon sa kapwa lalaki o kahit sa ibang babae.
Kung papayag siya sa kondisyon mo bigyan mo siya ng pagkakataon pero kung hindi, ikonsidera mo na ang marital annulment at ang ganyang situwasyon ay isang matibay na ground para mapawalang bisa ang kasal.
Dr. Love
- Latest