Nahuli ang pagtatapat ng pag-ibig
Dear Dr. Love,
May babae po ako na matagal na matagal ko nang gustong ligawan, kaya lang nagpigil ako dahil sa pangambang pagtawanan niya lang ako.
Isang hamak na mekaniko lang po kasi ako, na nakapagtapos ng vocational, samantalang siya ay kumukuha ng medisina at nagbabalak pang magpakadalubhasa sa US.
Sa mga nagdaang panahon ay hindi po nagbago ang pagtingin ko sa kanya hanggang sa malaman ko na ikakasal na siya at sa isang photographer. Bigla po ay may sundot ng maÂlaking panghihinayang sa aking puso, Dr. Love.
Sa isip ko po na kung hindi ako nangimi na ipahayag ang aking lihim na pag-ibig sa kanya noon ay ako sana ang nasa lugar ng nobyo niya.
Lamang lang nang kaunting paligo sa gandang lalaki si Edgar sa akin.
Nang mga sumunod pang mga araw ay humanap ako ng tiyempo para makausap nang sarilinan si Amy. Nang makatyempo ay hindi na akong nagpatumpik-tumpik pa. Sinabi ko po na matagal na akong may lihim na pag-ibig sa kanya at ayaw kong pagsisihan habang panahon na hindi ko masabi sa kanya ito.
Puro biro lang ang ginawa ni Amy, Dr. Love. Sinabi niyang sayang, sana noon ko pa raw sinabi ang lahat. Magkaganon man ay nagpapasalamat pa rin ako sa kanya. Dahil binigyan niya ako ng pagkakataon na makapagtapat. Hindi siya nagpakita ng kagaspangan at hindi rin nagalit.
Maraming salamat din sa iyo, Dr. Love sa pagbibigay mo ng pagkakataon sa aking letter.
Sumasainyo,
Danny
Dear Danny,
Huli man daw at magaling…may mga sitwasyon na talagang huli na talaga. Pero nakaÂkabilib pa rin ang ginawa mo. Dahil hindi lahat ng lalaki ay maglalakas-loob pa na ihayag ang sarili sa babaeng ikakasal na.
Naniniwala ako na walang mali kung gagawin natin ang isang bagay kaysa pagsisihan ito nang habang-buhay.
Sa susunod, alam mo na. Huwag mong maÂliitin ang sarili mo, lalo na kung malinis naman ang intensiyon ng iyong puso. Huwag kang pangÂhinaan dahil darating din ang pag-ibig na laan para sa iyo.
DR. LOVE
- Latest