May unang asawa
Dear Dr. Love,
Hiwalay sa asawa si Fernando pero wala siyang anak. Tinanggap ko ang kanyang pag-ibig sa pag-asang magpapakasal kami sa sandaling mapawalang bisa niya ang kanyang kasal at gagawin niyang legal ang aming pagsasama bilang mag-asawa.
Pero ang problema, mahabang proseso ang annulment ng kasal sa simbahan at wala siyang perang magagamit para isailalim sa tamang proseso ang legalidad ng kanilang paghihiwalay na mag-asawa.
Wala pa ring asawa ang dating misis ni Fernando bagaman ang sabi niya, mayroon na itong kinakasama.
Ang gusto ni Fernando, mag-live in na rin kami dahil hindi naman anya susi sa maligayang pagsasama ang kapirasong papel na nagpapatunay na dumaan sa matrimonyo ang pagsasama ng isang babae at lalaking nagmamahalan.
Tutol ang aking mga magulang sa pagsasama ng isang lalaki at babae na hindi kasal.
Labag daw ito sa moralidad.
Naguguluhan po ako Dr. Love. Tinanggap ko si Fernando at minahal ko siya dahil sa paÂngako niyang gagawin niyang legal ang aming pagsasama. Hindi po kaya napaso na sa kasal si Fernando kundi man ay may balak pa siyang balikan ang dati niyang asawa kaya kapwa sila hindi nagpapawalang bisa ng kanilang kasal?
Payuhan mo po ako. Maraming salamat po sa maibibigay ninyong gabay sa akin.
Gumagalang,
Ma. Dolores
Dear Ma. Dolores,
Walang diborsiyo sa Pilipinas at karaniwan ngang ganito ang nagiging problema ng isang babae man o lalaki na hiwalay sa asawa pero nakatagpo ng panibagong pagmamahal.
Bakit hindi mo tulungan si Fernando na maisulong ang petisyon para mapawalang bisa ang una niyang kasal?
Kung labag sa prinsipyo mo ang pakikisama sa isang lalaki nang walang matrimonyong nagbibigkis sa pagsasama bilang mag-asawa, linawin mo itong mabuti sa nobyo mo bago magkaroon ng panibagong problema.
Bakit hindi kayo sumangguni sa abogado o kaya’y nakatataas na pinuno ng simbahan ninyo para baka sakaling makatulong sila sa pagpapabilis ng pagpapawalang bisa ng kasal ng boyfriend mo sa kanyang asawa.
Kung hindi ka naman puwedeng maghintay sa matagal na proseso ng pagpapawalang bisa ng kasal ng nobyo mo, ilantad mo ang tunay mong damdamin tungkol dito.
Kuwentas klaras ika nga at walang samaan ng loob kung kakalas ka sa inyong relasyon dahil ang gusto mo ay mayroon kang papeles ng matrimonyo bago makisama sa ilalim ng iisang bubong sa lalaking magiging ama ng iyong mga anak.
Dr Love
- Latest