Alaga ng tomboy
Dear Dr. Love,
Itago mo na lang po ako sa pangalang Nancy. Isa po akong dalagang ina. Ang ama po ng aking anak na si Nilo ay dating live-in-partner ko na mayroong asawa at anak.
Nang matuklasan ko na mayroon na siyang pamilÂya, minabuti kong kumalas na at umalis sa aming tirahan matapos magbanta ang kanyang asawa na hindi niya kami patatahimikin.
Ang isa kong kaibigang tomboy, si Dandy ang tumulong sa akin para mailayo ako sa aking ka-live-in. Sa isang malayong probinsiya kami pansamantalang nanirahan.
Palibhasa po ay ulila na akong lubos, wala akong maaasahang tulong. Lumaki ako sa isang tiyahin pero sumakabilang buhay na siya bago pa man nangyari ang pakikipag-live-in ko. Si Dandy lang ang nagsilbing kamag-anak ko. Pero ang nangyari ay nag-propose siya sa akin dahil matagal na raw niya akong type. Nagpatangay na lang ako Dr. Love dahil mabait naman siya at alaga kami ng aking anak.
Lumuwas uli kami ng Maynila pagkaraan ng tatlong buwang pagtira sa isang kamag-anak ng pamilya ni Dandy dahil tapos na ang kanyang vacation leave at hindi na siya binigyan pa ng extension sa bakasyon.
Ipinagtapat ni Dandy sa kanyang pamilya ang buong pangyayari. Hindi naman sikreto sa kanyang pamilya ang kasarian niya, kaya pumayag silang bumukod na ito at manirahan sa isa nilang apartment kasama kaming mag-ina.
Isa akong mahusay na beautician kaya’t kahit nasa bahay lang, mayroon akong kinikitang sariÂling pera sa mga naging customer ko malapit lang sa aming apartment sa pamamagitan ng home service.
Wala na akong mahahanap pa sana sa aking buhay pagkaraang makaiwas sa lalaking may pamilya, naaalagaan ko pa nang husto ang aking anak na ngayon ay apat na taong gulang na. Pero dumarating din sa akin ang pagtatanong sa sarili kung hanggang kailan aabot ang aming pagsasama ni Dandy. NaÂngangarap din ako na isang araw, makakatagpo ako ng isang tunay na lalaking makakasama sa buhay.
Payuhan mo po ako Dr. Love.
Gumagalang,
Nancy
Dear Nancy,
Hindi malayo ang pinangangambahan mo dahil ikaw mismo ay hindi makatiyak sa sarili na tatagal ka sa isang abnormal na sitwasyon. Kung hindi ka kampante sa iyong pakikipagrelasyon sa isang kabaro, huwag mo nang patagalin pa ang pagsasabi nito kay Dandy.
Lalabas na ginamit mo lang siya para hanapan ng solusyon ang dati mong problema pero ang pagiging matapat ay isang magandang katangian at ilalayo ka nito sa mas malalim na suliranin sa hinaharap.
DR. LOVE
- Latest