Kasama ng puso ang isip sa pagpili
Dear Dr. Love,
Mayroon na po akong napupusuang manliligaw at gusto ko na siyang sagutin. Pero nang tanungin ko ang parents ko kung pabor sila kay Francis, wala akong nakuhang positibong kasagutan.
Ang sabi ng aking ina, sa pag-ibig hindi laging puso ang pinaiiral. Hindi lang sa gandang lalaki kinukuha ang basehan sa pagpili ng nobyo na magiging asawa sa hinaharap.
Kailangan din anyang gamitin ang pag-iisip sa pagpili ng makakatuwang sa buhay. At sa aspetong ito, mas pabor daw sila kung si Carlito ang pipiliin ko.
Si Francis anya ay maporma lang pero kung kikilatisin, baka ako pa ang bumuhay sa aming magiging pamilya. Si Carlito, bagaman nabibilang sa middle income family ay mayroon namang matatag na hanapbuhay at masipag. Si Francis anya bagaman may kaya ay hindi naman nagsisikap sa trabaho at laging umaasa lang sa magulang.
Pinag-iisipan ko po nang mabuti ang payong ito ng aking mga magulang. Mas matimbang po sa puso ko si Francis dahil may hitsura at mas showy siya sa kanyang affection. Hindi naman pangit si Carlito pero para siyang santo at promdi sabi ng sister ko.
Payuhan mo po ako, Dr. Love. Matuturuan ba ang pusong umibig? Maraming salamat at hihintayin ko ang inyong kasagutan.
Gumagalang,
Nitz
Dear Nitz,
Kung ang pagbabasehan ko ay ang liham mo, maaaring may katuwiran ang iyong mga magulang na pumabor sa lalaking alam nilang mamahalin ka nang lubos at magiging mabuting ama ng pamilya.
Sa pag-ibig, ang timbangang binabalanse ay ang puso at ang isip. Hindi lahat na dikta ng puso ay lalabas na mabuti dahil base lang ito sa emosyon. Kailangan ding maging praktikal ang isang babae sa pagpili ng boyfriend na balang araw ay magiging katuwang sa buhay.
Dr. Love
- Latest