Gustong magpakasal uli
Dear Dr. Love,
Gusto ko pong ihingi ng payo sa inyo kung paano ako mauunawaan ng aking anak, tungkol sa kagustuhan ko na magpakasal muli sa aking karelasyon na si Daniel.
Kapwa po kami balo ni Daniel, may dalawa siyang anak sa yumao niyang asawa at ako naman ay ang dalagita kong si Raquel.
Nang ipagtapat ko po sa aking anak ang plano naming pagpapakasal ay humagulgol po siya ng todo dahil hindi ko na raw siya mahal at tuluyan ko na raw kinalimutan ang alaala ng kanyang ama.
Sinubukan ko po na ipaliwanag sa kanya ang lahat, Dr. Love pero sarado po ang tenga niya at ayaw tumanggap ng kahit anong dahilan sa aking muling pagpapakasal.
Mahal na mahal ko po si Raquel at sa limang taon na pagpanaw ng kanyang ama ay naging tapat po akong asawa. Pero may mga pangaÂngailangan po ako bilang babae na natutugunan ni Daniel. Masaya po ako sa kanyang piling at natitiyak kong mahal ko po siya.
Sa ngayon po ay masama ang loob sa akin ng aking anak. Ayaw ko po na lumala pa ang sigalot na ito sa pagitan namin. Pero hindi ko po alam kung paano magsisimulang apulahin ang negatibong emosyon sa panig ng aking anak.
Ano po ba ang tamang gawin para maunaÂwaan ako ng aking anak? Dapat ko po ba siyang ipakiusap kay Daniel? Hihintayin ko po ang mahalaga ninyong payo.
Gumagalang,
Corazon
Dear Corazon,
Hindi pa handa ang iyong anak sa pagbabagong gusto mo. Dahil para sa kanya ay nananatiling ikaw, ang kanyang yumaong ama at siya lang ang pamilya niya, wala ng iba.
Sa ngayon hayaan mo lang siya, dahil hindi makakatulong kung ipipilit mo sa kanya ang bagay na ayaw niyang tanggapin. Kakailanganin mo at ng iyong karelasyon ang mahabang pasensiya, na naniniwala akong mas effective kung sasamahan ninyo nang may pagmamahal na panunuyo kay Raquel. Hindi ito magiging madali sa umpisa. Pero kung magiging consistent kayo, natitiyak ko na magiging maayos din ang lahat.
DR. LOVE
- Latest