Paano hahatiin ang puso?
Dear Dr. Love,
Pagbati sa hinahangaan kong love counselor.
Tawagin mo na lang akong Delfin, 29-anyos at may asawa. Bago ko nakilala ang misis ko ngayon ay may kasintahan na ako. Mula pa noong high school ay kasintahan ko na siya.
Kaso, pinaglayo kami ng tadhana nang maka-graduate kami dahil nag-migrate ang kanyang pamilya sa Amerika.
Nawalan kami ng komunikasyon at sa kolehiyo ay nakilala ko ang aking misis na pinakasalan ko nang makapagtapos kami ng pag-aaral.
Dalawa na ang anak namin ngayon. Tatlong buwan na ang nakakaraan ay nagbalik mula US ang aking dating kasintahan at dito nabuhay ang aming pagmamahalan.
Walang kamalay-malay ang misis ko na nagtatagpo kami nang lihim. Alam kong kasalanan pero mahal ko sila pareho. Ano ang gagawin ko?
Delfin
Dear Delfin,
Alam nating lahat na pagdating sa pag-ibig, isa lang ang puwedeng pakasalan. Ang pagbuhay ng inyong pag-iibigan ng dati mong kasintahan ay kalimutan mo na dahil kasalanan iyan sa mata ng tao at ng Diyos.
Isipin mo ang iyong pamilya na mawawasak kung ipagpapatuloy mo ang ganyang relasyon.
Iisa lang ang puso ng tao at hindi puwedeng hatiin.
Dr. Love
- Latest