Puso ba o bokasyon?
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong May, 26 anyos at kasalukuyang nag-aaral pa. Kung papalarin, matatapos ako ng accountancy sa susunod na taon.
Kung bakit na-delay ang aking pag-aaral ay sa dahilang pinag-aral ko muna ang mga kapatid ko. Tatlo silang lahat at ngayo’y tapos na sila ng kani-kanilang kurso.
Ang problema ko ay tungkol sa aking boyfriend na nagyayaya nang pakasal kami. Pero desidido akong makatapos. Sabi niya kung hindi ako papayag sa alok niya ay makikipag-break na siya sa akin.
Papayag na sana ako pero ang sabi niya, hindi ko na raw kailangang mag-aral dahil mayaman naman siya.
Ano ang gagawin ko?
May
Dear May,
Ikaw lamang ang puwedeng mag-evaluate kung ano ang mas mahalaga sa iyo. Bokasyon o puso?
Hindi ko alam kung bakit ayaw ka nang mag-aral ng boyfriend mo pero kung isang taon na lang ang hihintayin ninyo ay masyado naman siyang maramot para ipagkait ang iyong pangarap.
Subukan mo pa siyang kumbinsihin at kung talagang ginigiit niyang tumigil ka na sa pag-aaral at magpakasal kayo, ikaw na ang magpasya.
Hindi ako puwedeng magpasya para sa iyo pero kung ako ang nasa lugar mo, kalilimutan ko ang ganyang lalaki.
Dr. Love
- Latest