Attracted uli sa dating crush
Dear Dr. Love,
Labing-limang taon ang lumipas saka nagkaroon ng kumpirmasyon ang pagtatangi namin sa isa’t isa ng dati kong crush noong college. Kaya lang, huli na ang lahat dahil pareho na kaming pamilyado.
Sa aming class reunion kami nagkitang muli ni Perry at sa tingin ko, lalo siyang naging guwapo kahit may asawa at anak na. Parang nabuhay muli ang atraksiyon ko sa kanya pero hanggang paghanga na lang ako. Hindi gaya noong magkaklase pa kami na talagang matindi ang damdamin ko para sa kanya.
Nagulat ako nang lapitan niya at batiin saka niya sinabi na gumanda pa at bumata ako. Nakapagpapataba ng puso ang papuri niya dahil noong magkaklase kami, bihira niya akong kausapin. Patingin-tingin lang siya sa gawing upuan ko at pangiti-ngiti hanggang doon lang ang nagawa niya.
Kahit crush na crush ko siya, ayaw ko naman na ako ang gumawa ng paraan para magkalapit kami. Kaya hindi ako nagpapahalata. Pero ngayon, mukhang palagay na ang loob niya sa akin. Nang magsayawan na, unang lumapit si Perry sa akin at hindi ko inakala na habang nagsasayaw kami ay sasabihin niyang crush niya ako noon pa man at kahit dumaan na ang maraming taon.
Tumawa ako at pabirong sinabi na sana noon pa niya inamin ito dahil ako man, crush ko rin siya noon. Pero kako dapat limutin na namin kung ano ang damdamin namin noon para sa isa’t isa dahil pareho na kaming happily married.
Sinabi niya na kahit huli na ang lahat, gusto niya pa rin masabi sa akin ang matagal na niyang damdamin nang sa gayon ay wala siyang pagsisisihan. Dungo raw kasi siya noon at walang self-confidence. Pero bagaman huli na, may konsulasyon naman daw siya, dahil ako ang naging inspirasyon niya para makatapos at magkaroon ng magandang hanapbuhay.
Noong maghiwalay kami pagkatapos ng okasyon, hiningi niya ang aking cellphone number at address ng tirahan para kahit paano ay maging mabuti kaÂming magkaibigan at magkakilala ang aming pamilya. Tinanggap ko naman ang pakikipagkaibigan ni Perry dahil tiwala akong kapwa nalampasan na namin ang paninisi sa sarili dahil sa naunsiyami naming damdamin noon sa isa’t isa.
Marami pong salamat Dr. Love at hangad ko ang mahalaga ninyong payo.
Gumagalang,
Myrna
Dear Myrna,
Wala akong nakikitang masama kung nakatitiyak ka na hanggang kaibigan na lang talaga ang maibibigay mo kay Perry at nararamdaman mo na tapat din siya sa parehong intensiyon, sa muli ninyong pagkikita. Dahil posible naman ang magandang pagkakaibigan kanino man na gustuhin natin.
Dr. Love
- Latest