Nagbago na si Jimmy
Dear Dr. Love,
Wala po akong dinarasal kundi ma tanggap na ng pamilya ko ang lalaking pinakasalan ko at ama ng aking anak na ngayon ay tatlong taong gulang na.
Itinanan ako ni Jimmy nang malaman niyang nagdadalang-tao na ako. Alam niyang kahit buntis na ako, hindi siya matatanggap ng aking pamilya dahil ang pagkilala sa kanya ng aking magulang ay isang barumbado, isang tambay na manggagantso.
Iba ang pagkilala ko sa aking asawa. Galit lang siya sa sosyedad noon dahil sa maagang pagkamatay ng kanyang ama na nademanda sa isang kasong wala siyang kinalaman. Dahil dito, inatake siya sa puso at nawalan ng ama ang kanilang pamilya.
Pero ngayon ay nagbago na si Jimmy. Mekaniko na po siya sa talyer ng isang kamag-anak at nagpapasada siya ng taxi kung puwedeng mag-extra. Nagtangka po kaming bumisita sa bahay at humingi ng tawad pero hindi kami tinanggap.
Magkatuwang kaming kumakayod pero kahit mabagal ang pag-unlad ng kabuhayan, sa isang malinis namang paraan. Alam kong sinusubaybayan kami ng aking magulang at marahil, alam na rin nila na nagkamali sila ng pagkilala kay Jimmy.
Magiging ganap ang aking kaligayahan sa sandaling mapatawad na ako ng aking mga magulang.
Sana rin, matanggap na nila ang tapat na intensiyon ng aking asawa, na hindi ang mamanahin ko ang habol niya sa akin.
Maraming salamat po at mabuhay kayo.
Arleen
Dear Arleen,
Huwag kayong manghinawa na magpakita ng kababaang-loob sa inyong mga magulang. Dahil gaano man katigas ang puso ay kayang tunawin ng tapat na intensiyon at pagpapahalaga.
Ipagpatuloy ninyo ang pagsisikap na mamuhay sa matuwid na paraan, para magpatuloy din ang masayang pamumuhay para sa inyong pamilya.
Lagi mo rin isama sa iyong panalangin ang mga magulang mo, na hipuin ng Diyos ang kanilang kalooban at makita ang kaligayahan ng pagpapatawad at pagmamahal.
Kasama mo ang pitak na ito sa bawat panalangin.
Dr. Love
- Latest