Kahit ‘tikoy’ ang bf
Dear Dr. Love,
Labis akong nasasaktan tuwing pinipintasan ng pamilya ko si Carlo sa kanyang pagiging “tikoy” dahil daw makunat at malalim ang bulsa sa bunutan ng pera. Kapag birthday ko, tinatanong kung ano ang regalo sa akin at kung isang paboritong chocolate, hindi man lang daw gawing tatlo para simbolo ng “I love you.”
Working student si Carlo, matalino pero humble at maunawain kaya nagustuhan ko. Malihim siya pagdating sa kanyang pamilya. Sinabi niyang mahirap lang siya kaya nagsisikap siyang makatapos para makatulong sa magulang.
Dahil sa kalagayan nila Carlo, nagsuspetsa ang parents ko na kaya ako niligawan ni Carlo dahil sa angat naming kabuhayan. Pero ang hindi nila alam, ako ang unang lumapit at nagpakita ng interes sa kanya. Hanggang sa sabihin niyang matagal na niya akong crush.
Dr. Love dahil sa pagiging malihim ni Carlo, inalam ko ang personal na kalagayan niya. Kasama ang kaibigan kong si Mimi tinunton namin ang bahay nila, sa isang lugar malapit sa squatters area sa Quezon City. Nagpanggap kaming nagsu-survey at tinanong ang kanyang ina.
Nalaman ko ang pagiging ulirang anak niya. Siya ang nagpundar ng lote at bahay nila. Napanalunan sa raffle sa opisina ang lote at sa kita niya bilang dealer sa casino, unti-unting naitayo ang bahay. Sa gabi ang pasok ni Carlo kaya nakakapag-aral siya sa araw.
Bago kami umalis ni Mimi, ipinagtapat ko rin sa kanyang ina ang tunay na pakay namin. At sinabi nitong nagkwento rin ang kanyang anak. Nagdesisyong itong layuan ako dahil sa agwat ng aming pamumuhay. Unfair, Dr. Love kaya kinumpronta ko si Carlo. Wala naman akong luho na hinihingi sa kanya at handa akong maghintay kung kailan niya ako kayang pakasalan.
Ayaw daw niyang awa lang ang pairalin ko at itali ako sa paghihintay dahil marami pa siyang obligasyon sa buhay. Nagkasundo kaming mag-cool off. Pumayag ako para patunayan na desidido akong maghintay kung kailan handa na siya. Bumibisita po ako sa kanilang bahay kahit wala siya at alam niyang hindi ako nagpapaligaw sa iba.
Ano po ang maipapayo ninyo sa akin? Magiging mag-on pa kaya kami? Ang sabi ng kanyang ina, wala siyang nalalaman na ibang nobya ang anak kundi ako.
Gumagalang,
Ma. Teresa
Dear Ma. Teresa,
Hindi kita masisisi kung ganyan na lamang ang pag-uukol mo ng panahon sa iyong ex-boyfriend. Dahil bihira na ang gaya ni Carlo sa panahon ngayon, na tapat sa kanyang prinsipyo at layon sa buhay.
Pero pinakamabuti ay pag-aralan mong tanggapin at irespeto ang kanyang pasya. Maaaring hindi pa ngayon ang right time para sa inyo. Kaya enjoy your life at huwag mong idepende ang kaligayahan mo in doing things in his favor. Dahil pagmumulan ito ng expectation, na umaasa ka pa rin na maging kayo, pa’no kung hindi? Unfair din ‘yun para sa sarili mo.
Tandaan mo lang na kung talagang para kayo sa isa’t isa, kayo pa rin no matter what.
Dr. Love
- Latest