Umasa sa wala
Dear Dr. Love,
Advance Merry Christmas sa iyo at sa bawat sumusubaybay ng pitak na ito.
Tawagin mo na lang akong Mauro, 32-anyos. Mahirap lang ako dati at may kasintahang mayaman.
Nagmamahalan kami noon hanggang sa makapag-asawa siya ng iba sa kagustuhan ng kanyang magulang. Ayaw ng mga magulang niya sa akin na isa lang ordinaryong manggagawa, na maliit ang suweldo.
Alam kong mahal ako ni Aurora at bago siya ikinasal, sumumpa siyang ako pa rin ang lalaking mahal niya.
Matagal nang panahon iyon. Nasa 19-anyos siya at ako ay 22 noon.
Hindi nagtagal ang pagsasama nila na inabot lang ng limang taon dahil inatake sa puso at namatay ang asawa niya.
Naging hamon naman sa akin ang paglait sa akin ng magulang niya. Nagsikap akong magnegosyo na napalago ko naman. Nakapagpatayo ako ng isang hardware.
Mayaman na rin ako ngayon at nang balikan ko si Aurora upang ligawang muli, tahasang sinabi niya na limutin ko na siya dahil natanto niyang hindi niya ako mahal.
Umasa pala ako sa wala kaya ngayon, heto ako at nagmumukmok. Ano ang gagawin ko?
Mauro
Dear Mauro,
Huwag kang magmukmok at ituring mong tagumpay ang iyong napaasensong negosyo. Hindi dapat tumigil sa pag-ikot ang mundo mo dahil sa isang kabiguan.
Malay mo, blessing in disguise ang nangyari. Paano kung si Aurora ang nakatuluyan mo at sa bandang huli’y iwanan ka niya dahil ‘di ka pala niya totoong mahal?
Gaano man kalaki ang pagmamahal mo kay Aurora, wala kang magagawa kung totoong ayaw na niya sa iyo. Ituring mo na lang na isang tiklop na kabanata ng buhay mo si Aurora.
Dr. Love
- Latest