Nakahandang maghintay
Dear Dr. Love,
Isa po akong balo at tatlong taon nang namayapa ang aking asawa. Hindi ko po akalain na sa edad na malapit nang mag-animnapu ay magkakagusto pa ako sa lalaki na mas matanda sa akin ng tatlong taon. Legally separated po siya sa kanyang asawa, na may sarili nang pamilya sa US. Isa po ang kanilang anak, na nasa kanyang poder. Ako naman po ay may sarili nang bahay at may dalawang anak na babae. Pareho na po silang may pamilya.
May sariling negosyo si Thelmo at ako naman ay malapit nang magretiro sa pinapasukang pribadong kumpanya. Malungkot po ang nag-iisa kahit pa panay ang dalaw sa akin ng mga anak at apo ko. Gusto naman matikman ni Thelmo ang kaligayahan ng isang tunay na pamilya, na hindi niya naranasan sa una niyang kabiyak. Kaya gusto niyang pakasal kami kahit nasa katanghalian na ng edad.
Tutol ang aking mga anak sa ideyang ito, kabaliktaran naman ang anak ni Thelmo. Hindi ko po gusto na magkawatak-watak ang samahan naming mag-iina. Nalulungkot lang daw ako, kung gusto ko raw ay makipisan na lang ako sa kanila.
Tinanggihan ko si Thelmo pero sa nangyari ay hindi siya sumuko. Kinausap niya ang dalawa kong anak at sinabing paliligayahin ako. Pero tutol pa rin sila, dahil hindi raw hihiwalay ang unang asawa kung mabuti siyang kabiyak.
Nauunawaan ko naman ang damdamin ng aking mga anak dahil para lang ito sa aking kapakanan. Hindi ko rin naman masyadong kilala si Thelmo. Ayaw ko siyang itali sa commitment kaya kumalas ako sa kanya. Hindi po pumayag si Thelmo at patutunayan niya raw na kahit may edad na ay may karapatan pa ring lumigaya.
Dinadalaw pa rin po niya ako sa bahay at handang maghintay hanggang mapapayag ang aking mga anak. Payuhan mo po ako. Salamat po.
Rosario
Dear Rosario,
Sa pagkapursigeng ipinapakita ni Thelmo, seryoso siya sa kanyang pakay. Wala naman akong nakikitang masaya kung ibibigay mo sa kanya ang pagkakataon na mapatunayan sa iyong mga anak ang hangarin niya sa iyo.
Isa pa, sumasang-ayon rin ako na hindi dapat hadlangan ng edad ang tapat na pag-ibig. Maiksi lang ang buhay kaya kung naaayon naman ang tadhana para maging maligaya at makulay ito, bakit mo pipigilan?
DR. LOVE
- Latest