Pusong lalaki
Dear Dr. Love,
Hatid ko po’y isang pinagpalang araw sa iyo Dr. Love. Nawa’y makarating sa iyo ang sulat ko na nasa mabuti kang kalagayan.
Tawagin mo na lang akong Leslie, 29 anyos at isa pang dalaga. Inuudyukan na ako ng mga kaibigan ko na mag-asawa na dahil halos silang lahat na kabarkada ko ay may kani-kaniyang pamilya na.
Hindi n’yo naitatanong, maganda ako at maraming manliligaw. Kaso hindi ko makuhang umibig sa lalaki dahil kapwa ko babae ang nagpapatibok sa aking puso.
Hindi ko lang mailantad ang aking sarili dahil konserbatibong pamilya ang kinalakihan ko. Pinag-aralan kong magdamit at kumilos gaya ng isang tunay na babae pero ang damdamin ko ay sa isang lalaki.
Ano ang gagawin ko?
Leslie
Dear Leslie,
Mahirap talagang pilitin ang sarili sa mga bagay na inaayawan mo. Pero ang masasabi ko’y kung matibay ang pananampalataya mo sa Diyos, siya ang magiging prayoridad mo at susundin mo ang kanyang mga tagubilin.
Hindi man matanggap ng iba, labag sa salita ng Diyos ang pagsisiping ng lalaki sa lalaki at babae sa babae sapagkat sinasabing lalaki at babae lamang ang ginawa ng Panginoong Diyos.
Magbasa ka ng Salita ng Diyos at hayaan mong mangusap sa puso mo ang Santong Espiritu para bigyan ka ng gabay.
Marami akong mga kakilalang mga bading at tomboy na nagbago dahil sa Salita ng Diyos.
Dr. Love
- Latest