Naiibang pamamanhikan
Dear Dr. Love,
Nabibilang po sa tinatawag na old school ang parents ko. Bumaliktad po ang tatay sa tradisyunal na panunuyo ng lalaki at pamamanhikan nang malaman niyang nagbunga ang kapusukan namin ni Jerry.
Kasama ang mayor ng aming bayan, mga nakakatanda kong kapatid, dalawa pang kamag-anak at ako ay nagsadya kami sa bahay ni Jerry. Kitang-kita ko po ang pamumutla ni Jerry nang kamayan siya ni tatay at ipakilala sa aming punong bayan. Tinawag niya ang kanyang mga magulang at ipinakilala ako at ang tatay ko.
Walang patumpik-tumpik na sinabi ni tatay ang pakay namin, namamanhikan kami para sa kasal namin ni Jerry. Nangyari ang usapan. Ang mayor ang siyang magkakasal sa amin at si tatay ang sasagot sa lahat ng gastos.
Sinabi niya na kailangan na magkaroon ng kasalan sa pinakamabilis na panahon para hindi maging anak sa labas ni Jerry ang isisilang kong sanggol. Wala rin aniya siyang mukhang ihaharap sa aming bayan kung walang kikilalaning ama ang kanyang apo.
Hindi na nakapalag si Jerry sa ginawa ng aking ama para masegurong hindi ako madedehado. Tatakbo rin kasi si tatay bilang konsehal, ayaw niyang may masabi ng laban sa kanya ang kalaban sa pulitika.
Maluwalhati po akong nakapanganak, si tatay pa rin ang nagbigay ng pera kay Jerry, saka na lang daw bayaran ang nagastos niya. Sana po ay nagustuhan ninyo ang love story ko. Maraming salamat.
Crisselda
Dear Crisselda,
Nailarawan sa karanasan mo na kahit sariling paniniwala ay handang balewalain ng isang magulang para sa kapakanan ng kanyang anak. Pangalawa na lang ang hangad niya kaugnay sa pulitika. Sana ma-appreciate mo ng husto ang mga isinaisantabi ng iyong ama para sa kapakanan mo, ng inyong anak ni Jerry at ng buo ninyong pamilya. Hindi madali iyon para sa isang ama. Hangad ng pitak na ito ang patuloy na pagiging buo at maligaya ng inyong pamilya. God bless you.
Dr. Love
- Latest