Hindi kayang panindigan
Dear Dr. Love,
Bago pa sumapit ang due date sa aking nalalapit na panganganak ay nagpasya na po akong umalis sa bahay ng nanay ni Gilbert. Iniuwi niya po ako sa bahay ng kanyang mga magulang matapos siyang kausapin ng tatay ko nang malamang buntis ako at hindi kayang panindigan ng aking boyfriend.
Hindi ko na po napigilang manghimasok ang aking pamilya sa aking pakikipagrelasyon, Dr. Love dahil sa kalagayan ko ngayon. Sinabi ni tatay na mag-ingat si Gilbert kung hindi niya bibigyan ng pangalan ang sanggol sa sinapupunan ko.
Kahit malaki na ang tiyan ko, naglilinis po ako ng bahay at naglalaba ng damit namin ni Gilbert. Madalang po siya umuwi kaya nang minsan na sumipot siya sa bahay nila ay kinausap ko siya ng masinsinan at tinanong kung ano na ang lagay ng aming relasyon. Wala pa rin po siyang masagot.
Walang ipinangakong kasal si Gilbert sa ama ko dahil hindi pa raw siya handa na magpamilya. Deadma naman po ang biyenan kong hilaw sa mga nangyayari sa amin ng kanyang anak. Dama ko po nang magpaalam na akong umalis sa bahay nila Gilbert ay parang nabunutan ng tinik ang kanyang ina na laging hikahos sa pera.
Sa bahay po ng kaibigan kong si Chi-Chi ako nakitira, pinayuhan niya akong huwag isiksik ang sarili sa lalaking walang paninindigan at sarili lang ang iniisip. Salamat na lang at nagawa kong tipirin ang sahod ko noon kaya may magagamit pa ako sa panganganak at pang-gatas ni baby.
Tinulungan po ako ng pamilya ni Chi-Chi sa paghahanda ng gamit ng aking baby at ipinakiusap ako sa kamag-anak nilang doctor na bigyan ng diskuwento para sa pre-natal at post-natal check up.
Alam ko po na magiging maayos ang lahat para sa amin ng baby ko, may awa po ang Diyos. Hindi rin po ako nawawalan ng pag-asa na mapapatawad ako ng mga magulang ko balang araw.
Maraming salamat po.
Gumagalang,
Raquel
Dear Raquel,
Tama na hindi dapat ipilit kung ayaw. Pero kung sakaling hanapin kayo ni Gilbert, sana ay mabigyan mo siya ng isa pang pagkakataon. Maaaring sa sandaling makita niya ang inyong munting anghel ay ma-realize niya ang kanyang mga pagkakamali. Kasama mo ako sa panalangin na maging maayos ang lahat para sa inyo ng iyong baby. God bless you!
Dr. Love
- Latest