Dear Dr. Love,
Ikubli mo na lang ako sa pangalang Alice, 49 years old at biyuda. Sa kabila ng edad ko, mukha lang akong 30 years old at maganda palibhasa’y namatay ang mister ko nang hindi pa kami nagkakaanak.
Sa loob ng maraming taon, hindi ako nakaisip mag-asawang muli. Ngunit ngayon ay tumibok ang puso ko. May boyfriend ako na 27 anyos.
Kung tutuusin, puwede ko nang maging anak. Marami ang nagsasabing hindi naman kami alangan pero marami rin naman ang nagsasabing baka magsisi ako.
Nakasisiguro naman ako na mahal niya ako at katunayan, niyayaya akong magpakasal.
Kung ikaw ang tatanungin, dapat ko ba siyang pakasalan kahit malaki ang agwat ng aming edad?
Alice
Dear Alice,
Palasak na ang kasabihang age doesn’t matter pagdating sa pag-ibig. Pero sang-ayon ako sa kasabihang ito. Basta’t may pag-ibig na namamagitan, hindi dapat maging balakid ang edad.
Pero may mga bagay ka na dapat ikonsidera. Bata ang boyfriend mo at sa ngayo’y mukhang hindi naman nagkakalayo ang pisikal na anyo ninyo.
Ngunit paglipas ng sampu pang taon, baka lumabas ang katotohanan at mangulubot na ang balat mo pero ang boyfriend mo ay mukhang nasa kasibulan pa lang.
Okay iyan kung hindi siya magbabago ng pagtingin sa iyo. Sana nga’y hindi ka niya ikahiyang akbayan sa harap ng publiko at walang magtanong na kaibigan niya ng “nanay mo ba siya?”
Ordinarily, mas okay kung ang lalaki ang mas matanda sa babae. Pero iba kapag babae ang nakatatanda. Paalaala lang.
Dr. Love