Asam ang magandang pagkakataon
Dear Dr. Love,
Peace be with you always!
Tubong Batangas po ako, na ngayon ay bilanggo dahil sa kasalanan na kailangan kong pagbayaran sa lipunan at sa ating Panginoon.
Napakalungkot po talaga ng kalagayan ko ngayon, kaya naglakas loob akong sumulat sa inyo para humingi ng payo at pabor na rin na sa pamamagitang inyong malaganap na column ay magkaroon ako ng mga kaibigan na maaari kong maging inspirasyon sa buhay.
Dr. Love, kasama po sa mga pangamba ko ngayon ay kung magkakaroon pa ba ako nang pagkakataon sa malayang lipunan. Hindi naman po ako masamang tao. At ang kasalanan ko ay dulot lamang ng pagtatanggol ko sa aking sarili.
Patuloy ko pong ihinihingi ng kapatawaran sa Panginoon ang kasalanan ko at umaasa na mapapatawad din ako ng ating lipunan.
Gusto ko po na mapakinabangan ang mga araw ko dito sa loob ng bilangguan. Kaya hindi ako nagdalawang-loob na mag-aral muli at matupad na mapaunlad ang aking talino na hindi ko makuha noon sa labas dahil sa hirap ng buhay.
Dalangin ko po sa Diyos, Dr. Love na bigyan pa Niya ako ng magandang pagkakataon sa buhay. Salamat po sa paglalathala ninyo ng liham ko.
May the good Lord always bless you, Dr. Love. At sana po patuloy pang lumaganap ang inyong pahayagan, lalo na ang column ninyo para marami pa kayong matulungan, lalo na ang gaya kong bilanggo.
Mabuhay po kayo.
Gumagalang,
Cris Sanchez
Student Dorm 4-B
YRC Bldg. 4 MSC
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Cris,
Salamat sa iyong liham. Manatili kang matatag sa iyong rehabilitasyon diyan sa loob. Tama na rin na pagbutihin mo ang iyong pag-aaral diyan, na magagamit sa sandaling makalaya ka na. Huwag kang mawawalan ng pag-asa, dahil dito ka huhugot ng lakas para sa magandang pagkakataon na hangad mo. Huwag ka rin makalimot na magpasalamat sa ating Lumikha na siyang nagdudulot ng lahat ng pagpapala sa mundo.
Dr. Love
- Latest
- Trending