Dear Dr. Love,
Hiwalay kami ng yumao kong asawa nang magdesisyon ako na magsarili, pagkaraan ng 10 taon naming pagsasama. Ang dalawa naming anak na lalaki ay naiwan sa kanyang poder sa Bacolod.
Pumayag ako sa kondisyon niyang ito para makaluwas at makapaghanap ng trabaho sa Maynila. Pero dahil hindi ako nakatapos, janitress lang sa ahensiya ang kinabagsakan ko.
Mabilis na lumipas ang panahon at labinlimang taon na ang aming panganay habang 11 years old naman ang bunso. Nang umuwi ako sa probinsiya, niyaya ko ang aking mga anak na sumama sa akin pero malayo na ang loob nila. Hindi ko raw sila mahal kundi ang sarili ko lang.
Dr. Love nong mga panahon iyon ay nabuksan ang isip ko. Alam ko na hindi ko na maibabalik ang lumipas na mga pagkakataon para mapunan ang pangangailangan sa isang ina ng aking mga anak. May kani-kaniya na silang buhay. Wala na po ang pagmamahal na hinahanap ko sa kanila bilang mga anak.
Ngayon po kung kani-kanino akong kamag-anak na nakikituloy, kung sino ang nangangailangan ng tagapangalaga ng kanilang anak. Dr. Love, pinabayaan ko po kasi ang aking mga anak noong kailangan nila ako at ngayon, anak ng iba ang inaalagaan ko.
Magkakaroon pa po kaya ng puwang sa aking mga anak ang isang ina na katulad ko?
Maraming salamat po at pagpalain kayo ng Maykapal sa ginagawa ninyong pagtulong sa maraming may problema sa buhay.
Gumagalang,
Desta
Dear Desta,
Habang may buhay, may pag-asa. Kaya hindi pa huli ang lahat para makabawi ka sa iyong mga anak. Maging matatag ka lamang dahil maaaring pinatigas na ng mga lumipas na panahon ang kanilang kalooban.
Samahan mo ng dasal ang bawat hakbang mo na muling mapalapit sa kanila. Hingin mo ang kanilang kapatawaran at ihanda ang sarili na pagsilbihan sila sa paraang makakaya mo. Bakit hindi na lang ikaw ang mag-alaga sa iyong mga apo?
Hindi ka matutulungan ng pride kaya tanggalin mo ito at maging positibo na makukuha ang loob ng pamilya mo.
DR. LOVE