Wala nang urungan
Dear Dr. Love,
May dalawa na akong anak sa lalaking ka-live in ko ngayon, saka naman dumating ang sunud-sunod na malas sa aming buhay.
Una, na lay off si Paulo sa trabaho. Hindi naman po siya nagpabaya at matiyagang naghanap ng trabaho pero walang mapasukan. Minabuti niyang mag-aral ng pagmamaneho para kahit paano ay makapag-extra. Pero dalawang araw pa lang siya sa pamamasada ay nakabangga na siya. Mabuti na lamang at hindi malala ang tama ng pasahero.
Ang tanging nakapagsasalba sa lahat ng aming pangangailangan ay ang pagma-manicure ko at pedicure. Kung wala naman akong home service ay naglalabada po ako sa mga bagong lipat sa aming lugar.
Gusto ko mang kaawaan ang sarili sa halos walang tigil na trabaho, wala nang luhang tumulo dahil naubos na iyon sa unang lalaking pinagkatiwalaan ko pero pinaglaruan lang ang damdamin ko.
Ang sabi ng aking kapatid, kung mananatiling walang trabaho si Paulo, mabuti pang hiwalayan ko na ito. Unfair anya sa akin na ako ang naglalagari sa pagkita at ang asawa ko ay nasa bahay at siyang nag-aalaga ng dalawa naming anak.
Mabait naman kako ang mister ko, pero hanggang kailan ang ganitong sitwasyon?
Ang sabi ng kapatid ko umuwi na lang daw muna ako sa aming mga magulang at saka na lang pasunurin si Paulo kapag may maipapakain na ito sa amin. Pero hindi ko po naman magawang hiwalayan si Paulo dahil napamahal na rin siya sa akin. Pero suko na po ang aking katawan sa pagod.
Ano po ang maipapayo ninyo sa akin? Dapat ko bang sundin ang aking kapatid o panindigan na ang pakikisama kay Paulo kahit hindi kami kasal?
Maraming salamat po at dalangin ko ang patuloy na pagdami ng inyong mambabasa.
Gumagalang,
Sylvia
Dear Sylvia,
Puwede mo namang sundin ang payo ng iyong kapatid pero isama mo sa probinsiya ang mister mo. Baka sakaling doon, magkaroon siya ng sariling pagkakakitaan kung mayroon kayong lupang mapagtatamnan ng mga gulay at prutas.
Kung ayaw niyang sumama, saka ka na gumawa ng sarili mong desisyon. Kahit hindi nagtatrabaho si Paulo, nakakatulong mo naman siya sa pag-aalaga ng anak ninyo. Mahirap ding magpalaki ng bata na walang maituturong ama.
Mas matatag ang pundasyon ng isang pamilya kung kapwa ang mga magulang ay kasama ng mga anak. Nasa formative years pa ang mga bata at kailangan nila ang isang ama na katuwang mo sa pagpapalaki sa kanila.
Dr. Love
- Latest
- Trending