Bakit nagbago siya?
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Merci, may asawa at 27-anyos. Dalawang taon pa lang kaming naikakasal ng mister ko na si Mau. Wala pa kaming anak.
Noong una’y very sweet siya sa akin. Pagka-galing sa opisina ay lagi akong hinahagkan at may pasalubong pang rosas.
Sa nakalipas na anim, na buwan ay malaki na ang kanyang pinagbago. Laging mukhang aburido at tuluy-tuloy sa kuwarto namin pagdating mula sa opisina.
Hindi naman nagbabago ang oras ng kanyang pag-uwi. Nagtataka ako. Mayroon kaya siyang ibang kinahuhumalingan?
Tuwing tatanungin ko siya ay laging sinasabi niyang wala siyang problema at pagod lang siya.
Hindi man niya sabihin, alam ko na may problema siya. Ano ang dapat kong gawin?
Merci
Dear Merci,
Dagdag-pasensya ang kailangan mong gawin. Baka may problema siya sa opisina o baka pagod siya sa gawain.
Kapag day-off niya ay yayain mong lumabas. Iniisip ko na baka ‘yung wala pa kayong anak sa loob ng dalawang taon na pagsasama ang dahilan ng kanyang pag-iisip.
Himukin mo siyang magsiwalat sa iyo dahil ang pagsisiwalat ng niloloob ay nakakagaan ng pakiramdam.
Dr. Love
- Latest
- Trending