Iniwan ang mag-ama
Dear Dr. Love,
Ano po ba ang maipapayo ninyo sa isang tulad kong abandonadong ama? Umalis ang aking asawa dahil hindi nakatiis sa hirap.
Matagal na akong inuungatan ni Mila na hayaan ko na siyang bumalik sa kanyang dating amo para makapag-ipon at makapagpatayo man lang ng sari-sari store sa aming lugar. Dahil ayaw niya ng buhay namin sa probinsiya.
Malayo ang aming probinsiya sa Norte na inuwian namin nang mawalan ako ng trabaho. Dito tumutulong ako sa pagsasaka ng aking ama. Nakakaraos naman ang aming maghapon, wala nga lang telebisyon at kailangan sumalok ng tubig sa poso para makapaglaba.
Sa pakiwari ko Dr. Love ay inutakan pa ako ng aking asawa. Dahil ginamit niya ang kanyang magulang, na siyang pinasulat niya para mapapayag ako na umalis siya at bisitahin sa Bicol ang kanyang ina na may sakit.
Iniwan ni Mila sa akin ang aming anak na lalaki at isinama ang kanyang 4 na taong anak niya sa unang ka-live in.
Sulat na lang ang tinanggap ko sa kanya na nagtatrabaho na uli siya. Pinaalagaan niya ang bata sa kanyang ina at balak niyang balikan ang aming anak na lalaki. Kaya ko po na huwag nang bumalik sa akin si Mila, Dr. Love pero hindi po ako papayag na kunin niya si Junior. Alam kong magpapatulong siya sa kanyang mga kapatid. Pagyuhan mo po ako, Dr. Love.
Gumagalang,
Nilo ng Cagayan Valley
Dear Nilo,
Bakit hindi mo muna ikonsidera ang pag-aayos ninyong mag-asawa, hindi lamang para sa inyo kundi lalo na para sa inyong mga anak.
Tutal pareho naman ang inyong hangarin na mapabuti ang kalagayan nila.
Sa pagkakaunawa ko sa iyong salaysay, ang pagka-agresibo sa pagdedesisyon ng iyong asawa ay dulot ng pag-ayaw niya sa buhay na mayroon kayo.
Baka may makita ka pang pang-unawa sa kalooban mo para hindi masira ang inyong pamilya.
Sa pagkakaalam ko, karaniwang napupunta sa kustodiya ng ina ang anak na wala pa sa hustong gulang. Pero kung may anggulong pag-aabandona, pinakamabuti ay hingin mo ang payo ng isang abogado tungkol dito.
Dr. Love
- Latest
- Trending