Totoy sa pamilya ang napangasawa
Dear Dr. Love,
Napakahirap po pala ang makapag-aasawa ng bunsong anak, na tinatratong totoy sa pamilya. Laging sumisingit sa lahat ng bagay ang aking biyenan dahil sa akalang napapabayaan ang kanyang bunso.
Hindi kami bumukod agad nang makasal para mapagbigyan ang aking biyenan na sa kanilang bahay kami tumira. Pero nagiging mahirap ang sitwasyon para sa akin dahil gusto ng nanay ni Virgilio na involve siya lagi sa pagsasama. Hanggang ang asawa ko na rin ang nagsabing humanap kami ng apartment.
Sa kasamaang-palad nasa eksena uli ang aking biyenan at sinabing doon kami sa apartment ng kanilang kamag-anak, malapit lang sa kanilang bahay dahil discounted daw. Ang gusto ko sana ay malayo sa biyenan ko, pero nakita ko na gusto ng asawa ko ang apartment kaya hindi na ako umalma.
Dr. Love, parang hindi rin kami bumukod dahil halos araw-araw bumibisita ang biyenan ko, mula sa pagluluto hanggang sa paglalaba ay may comment siya sa aming kasama sa bahay. Kaya hindi ito nagtagal sa amin at umalis na.
Napipika na po ako sa pakikialam ng aking biyenan, inopen ko ito sa aking ina pero pinagtawanan lang niya ako at sinabing pakisamahan ko pa rin ang nanay ng asawa ko. Dahil may edad na ito at dahil matagal niyang kasama ang aking asawa nang mabalo, nawalan na siya ng baby nang ikasal kami.
Ano po ba ang maipapayo ninyo sa akin? Mababago pa kaya ang turing na totoy kay Virgilio ng kanyang ina? Maraming salamat at more power.
Gumagalang,
Chona
Dear Chona,
Oo darating din ang pagkakataon na magbabago ang baby treatment ng iyong biyenan sa iyong asawa. Mare-realize rin niya na kailangan na niyang hayaan sa sariling buhay ang kanyang bunso.
Sumasang-ayon ako sa sinabi ng iyong ina. Sa halip na kainisan ay bigyan mo ng malawak na pang-unawa ang iyong sarili para sa iyong biyenan. Tutal ang pinakamahalaga naman sa lahat ay nagkakaunawaan kayong mag-asawa sa lahat ng bagay. Kaya pagbigyan mo lang siya hangga’t maaari.
DR. LOVE
- Latest
- Trending