Dear Dr. Love,
Kumusta ang paborito kong love counselor? Tawagin mo na lang akong Marifi, 20 anyos at dalaga pa.
Problema ko ang aking boyfriend. Tawagin mo na lang siyang Cris. Nabalitaan ko kasi na hindi lang ako ang girlfriend niya kundi mayroon pang dalawa bukod sa akin.
Anim na buwan na kami at mahal na mahal ko siya. Takot ako na kung tanungin ko siya ay baka iwanan niya ako nang tuluyan.
Tulungan mo sana ako dahil gabi-gabi ay ‘di ako makatulog sa kaiisip sa kanya.
Ano ang dapat kong gawin?
Marifi
Dear Marifi,
Nabalitaan mo lang pala at hindi nakita ng dalawa mong mata. May kasabihan na ang maniwala sa sabi-sabi ay walang bait na sarili.
Bago ka maniwala sa tsismis ay alamin mo muna kung totoo. Paano mo malalaman ang totoo kung hindi ka magtatanong?
Tanungin mo ang boyfriend mo para malaman ang buong katotohanan. Kung hindi kapani-paniwala ang sagot niya, mag-imbistiga ka.
Dr. Love