Gustong maglayas

Dear Dr. Love,

Gumugulo po sa isip ko ngayon kung tunay po ba akong anak ng aking mga magulang. Dahil nararamdaman ko po na iba ang trato nila sa akin kaysa sa ate at kuya ko.

Ako po ang bunso sa amin, na dapat sana ay mas paborito pero kabaliktaran po. Dahil sa maraming pagkakataon ay mas pinapa­boran ang mga nakakatanda kong kapatid.

Si ate ang prayoridad sa allowance at sa mga bagong gamit, kamukha po siya ng nanay namin at tisay. Kayumanggi naman po ako at matangkad kumpara sa 5”1 na height ni ate. ‘Yun lang, hindi ko nakuha ang mata­ngos nilang ilong.

Sa edad kong 16 anyos, hindi ko makita ang acceptance ni tatay sa akin. Aminado po ako na pinoproblema nila ay ang mahinang ulo ko sa pag-aaral. Pagkatapos ko sa high school pahinga raw muna ako para mabigyang-daan ang pagtatapos nila kuya at ate na nasa college na.

Sabi ni nanay, huwag ko raw masyadong damdamin ang sitwasyon. Pero ang pakiramdam ko po ay gusto ko nang maglayas o bumukod para hindi ko makita ang ibang trato sa akin sa aming bahay. Payuhan mo po ako. Gusto ko na sanang tumira muna sa lolo at lola ko.

Gumagalang,

Linda

Dear Linda,

Sa pagkakaunawa ko, ang pagpapahinto sa iyo sa pag-aaral para sa ate at kuya mo ang ipinaghihimutok mo. Sa panahon ngayon, ‘yan ang karaniwang nagiging sitwasyon sa isang mag-anak dahil sa kakapusan sa pinan­siyal.

Natural sa kabataang tulad mo ang ma­ging agresibo, pero subukan mo na io-open up sa inyong mga magulang ang tungkol sa ipinag­hihinanakit mo. Natitiyak ko na mapapawi nito ang negatibong emosyon na nangingibabaw sa iyo ngayon, tungkol sa pagmamahal at aten­ siyon ng iyong mga magulang na ina­akala mo na wala sa iyo.

Tungkol sa kagustuhan mo na tumira muna sa iyong lolo at lola, maaaring makatulong ito pansamantala. Pero ipagpaalam mo muna ang tungkol dito sa iyong mga magulang.

Dr. Love

Show comments