Dear Dr. Love,
Ako po si Isabel, 49 anyos na ina ng kaisa-isang anak na babae. Sa kasamaang palad, maagang nag-asawa ang anak kong ito. Hindi pa natatapos ng high school nang magtanan.
Wala kaming magawang mag-asawa kundi payagan silang makasal. Ang anak ko ay 15 anyos at 18 naman ang lalaki nang magpakasal sila, mahigit isang taon na ang nakararaan.
Mayroon na silang anak ngayon pero sa aming poder nakapisan. Tamad ang lalaki at ayaw naman siyang pakialaman ng mga magulang niya.
Hindi naman kami mayaman kaya pinagkakasya na lang namin ang aming income na mag-asawa. Nagtitinda ako sa aming munting tindahan sa bahay at ang mister ko ay isang kawani sa gobyerno.
Ang siste, malakas pang manigarilyo ang lalaki kaya kapag pinagbabantay ko sa tindahan, siya ang halos makaubos sa paninda kong sigarilyo. Ayaw ko na lang kumibo dahil baka magdamdam ang anak ko. Ano ang gagawin ko?
Isabel
Dear Isabel,
Hindi ko alam kung paano naikasal ang anak mo na menor de edad pa. Sa pagkaalam ko kasi, hangga’t wala pang 18 ang nagpapakasal ay hindi puwede sa ilalim ng batas kahit may pahintulot pa ng magulang.
Anyway, bakit mo sila pinamihasa na nakasandal sa inyong mag-asawa? Kausapin mo sila pareho at pagsabihan. Sabihin mo sa lalaki na maghanap-buhay dahil hindi puwedeng habang-buhay ay ganyan ang kalagayan nila na umaasa lamang sa inyo. Paano kung wala na kayo? Wala naman kayong maipamamanang kayamanan dahil sabi mo nga, mahirap lang kayo.
Walang masama na umaruga ng anak pero sa kaso nilang mag-asawa, paano sila matututong magsarili kung kinukunsinti ninyo?
Dr. Love