Marriage proposal

Dear Dr. Love,

Tatlong taon na po kaming on ng aking nobyo pero hanggang ngayon, bitin pa ang pinakahihintay kong marriage proposal mula sa kanya.

Hindi naman sa walang plano si Diego na pakasalan ako. Pero parang gusto niya ang grandeng handaan. Kung ako kasi ang masusunod, simpleng kasalan lang sana. Pero asiwa siya dahil ang tingin niya ay sos­yal ang pamilya ko. Isa pa nakita niya ang malaking handaan sa isang sikat na hotel ng aking ate, nito lang Mayo at ang honeymoon ay sa ibang bansa pa.

Minsan nga, gusto ko na siyang yayaing magtanan para tapos na ang problema niya. Hindi po kaya sumama naman ang loob ng parents ko kung ganito ang gawin namin?

Alam ko po naman ang kakayahan ng boyfriend ko kung ang pag-uusapan ay financial matters. Minsan nasabi niya sa akin na hindi niya gustong iakyat  ako sa kanilang family residence dahil doon nakikipisan na ang dalawa niyang kapatid na may asawa at anak. May sarili naman akong trabaho at ang pagkita ko ay hindi naman inaasahan ng pamilya ko. Hindi po ba masama na yayain ko na siyang kumuha na ng apartment at magtanan na?

Pareho na naman kaming nasa edad na para makasal ng tahimik lang. Sa sarili ko, alam kong handa na akong magpamilya. Pakiramdam ko siya man ay gayundin. Payuhan mo po ako. Ako na lang kaya ang gumawa ng marriage proposal sa nobyo ko?

Maraming salamat at God bless po.

Sincerely,

Mimi

Dear Mimi,

Bigyan mo pa ng kaunting panahon ang nobyo mo. Dahil kung nakatitiyak ka tunay ang pagmamahalan ninyo sa isa’t isa, walang dapat ikabahala. Hindi naman masama ang hangad niyang maging extra special ang inyong wedding. At marahil, tinitiyak lang niya na matutupad niya ang mga sinabi niya sa iyo, na hindi makikipisan sa kanilang bahay.

Sa ngayon, patuloy mong i-secure ang pagmamahal mo sa kanya at laging iparamdam na hindi ka nawawala sa kanyang tabi. Best wishes in advance. God bless!

Dr. Love

Show comments