Muntik nang mapariwara

Dear Dr. Love,

Napakalaking aral po ang natutunan ko dahil sa katigasan ng aking ulo noon, Dr. Love at gusto ko po ito ibahagi sa inyong mga readers para magsilbing babala.

Muntik na pong mapariwara ang buhay ko nang suwayin ko ang aking pamilya. Akala ko kasi noon, kaya lagi akong pinagagalitan ng aking ina ay dahil hindi nila ako mahal. At kaya inaayawan nila noon ang boyfriend ko dahil hindi ito galing sa kauri naming pamilya.

Pero lahat po ng mga inakala kong ito ay mali. Dahil unti-unti, nang makipagtanan ako kay Manolo nalaman ko na iba talaga ang intensiyon niya sa akin. Gusto nilang mag-ina na mahuthutan ng pera ang aking pamilya sakaling mag-habol ang mga ito sa akin. Pero hindi kumagat ang mga magulang ko. Pinalabas nilang isa akong ampon kung kaya ipinauubaya nila ang buong responsibilidad kay Manolo.

   Tumakas ako sa mag-ina nang matunugan ko na ipinadidispatsa na ako ng ina ni Manolo para dalhin sa casa. Humingi ako ng tulong sa isang kaibigan at isinuplong nila sa pulis ang mag-ina pero nakatakas.

   Humingi ako ng patawad sa aking mga magulang. Pinagsisisihan ko na po ang lahat, Dr. Love. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos dahil nailigtas ako sa mag-ina na miyembro pala ng sindikato. 

Maraming salamat din po sa inyo.

CONCHITA

Dear Conchita,

Mabuti naman at nalaman mo na ang mala­king leksiyon, na itinuro sa iyo ng karanasan mong iyan. Huwag sana itong mawaglit sa iyong isip. Dahil tunay na pagmamalasakit ng mga magulang, nagpapahalaga sa mga anak.

Mas maiintindihan mo ang tungkol dito, sa sandaling maging magulang ka na rin. Well, keep safe always. God bless!

DR. LOVE

Show comments