Pinag-interesan ang pamana
Dear Dr. Love,
Nang mamatay ang aking ama, alam na ng inay ko na magkakaroon ng pag-aaway ang tatlong anak niya sa unang asawa tungkol sa mana. Kaya kahit paano ay napaghandaan niya ito para sa kapakanan naming dalawa.
Sa last will and testament ni tatay, inihabilin niya ang bahay na kinalakihan ko sa aking ina, ang pabrika sa tatlo niyang anak at ang nakadepositong pera para sa akin at kay inay. Ang lupain naman na sinasaka ng yumao ko na ring lolo ay ipinailalim sa agrarian reform at naipagkaloob na rin sa tatlong nagsasaka dito, kabilang na ang pamilya ni inay.
Dumating ang sandaling inaasahan ni inay, pinalalayas kami sa bahay ng mga kapatid ko sa ama. Dahil conjugal property anila ito. Para maiwasan naman ang gulo, hindi na lumaban si inay. Dahil dito, naisip kong gantihan balang araw ang mga ‘yun na umapi sa amin. Pero pinayuhan ako ni inay na patawarin na lang dahil kadugo ko rin sila.
Mayroon lote siyang hinuhulugang na nasa sarili niyang pangalan at dito raw kami magtatayo ng aming bahay sa sandaling magkaroon na ako ng trabaho. Alam daw ito ng aking ama dahil parang nakikinita niya ang posibleng gulo sa sandaling may mangyari sa kanya.
Dr. Love, matagal na po itong nangyari at parang nabaligtad ang sitwasyon. Naglaho ang mga iniwan ni tatay na nasa kamay ng mga kapatid ko sa ama. At kami ngayon ni inay ay nakakaluwag na sa Amerika.
Maraming salamat po at sana ay kapulutan ito ng aral ng inyong mambabasa.
Gumagalang,
Lourdes
Dear Lourdes,
Ang nangyari sa inyo ay patunay lamang na iniaangat ang nagpapakumbaba at ang nagmamataas ay ibinababa. Sana gaya ng iyong ina, na naging masunuring anak at mabait na maybahay ng iyong itay, taglayin mo rin ang mabuting puso. Dahil ito ang magiging daan ng mga pagpapala sa buhay mo at sa magiging pamilya mo.
Napakagandang inspirasyon ang liham mo. Salamat sa pagbabahagi nito sa amin.
Dr. Love
- Latest
- Trending