Dear Dr. Love,
Isang malugod na pagbati po sa inyo at sa marami ninyong mga tagasubaybay.
Hanggang ngayon po ay nagluluksa pa ako sa pagyao ng aking kabiyak sa buhay.
Ang akala ko pa naman, nabuo na talaga ang aming pamilya sa pagbabalik ni Celo sa aming mag-ina. Sampung taon po kasi kaming nagkahiwalay dahil hindi ko na ma-take ang kanyang bisyo sa pag-inom ng alak at hilig sa babae.
Nagpatulong ako sa aking kapatid para makapagtrabaho sa US. Nag-asawa ako ng Kano para mapadali ang citizenship ko. Isang babae ang anak ko kay Steve at pumayag siyang ampunin ang anak kong si Benjie.
Akala ko, ikalawang glorya ko na siya dahil masaya ang aming pagsasama. Pero nang lumiham si Celo at nagpapapetisyon naman sa aming anak, nagkaroon ng gap ang pagsasama namin ng Kano at nauwi sa diborsiyo.
Naipetisyon si Celo at nanirahan sa bahay ng anak kong si Benjie. At kalaunan sa pamamagitan ng anak namin ay humingi siya ng tawad sa akin, natinanggap ko po uli, Dr. Love. Nagpakasal kami uli at sa pagkakataong ito ay saka ko naramdaman ang tunay na kaligayahan. Nagbago na nga talaga si Celo.
Alinsabay sa masaya na sana naming pagkabuo bilang pamilya ay ang diagnose ng advance state cancer sa atay ni Celo. Ito na ang ikinamatay niya. Masakit po, pero nagpapasalamat pa rin ako sa Panginoon dahil kahit sa maiksing panahon ay napatunayan namin ang pagmamahal sa isa’t isa.
Salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham ko at may mapulot sanang aral ang inyong mambabasa sa karanasan ko sa pag-ibig. Itago na lang ninyo ako sa pangalang Celina ng Las Vegas, Nevada.
Gumagalang,
Celina
Dear Celina,
Very inspiring ang kasaysayan mo para sa maraming ina na dumaranas ng matinding pagsubok sa buhay may asawa. Tunay na ang sinseridad na paghingi ng tawad ang tutunaw sa pusong pinatigas ng mga hinanakit. Natitiyak kong kinapulutan ng aral ang iyong liham. At nawa’y manatili kang matatag sa buhay. God bless!
Dr. Love