Ayaw pa patali
Dear Dr. Love,
Isa po akong concerned mother ng anak kong panganay na napag-iiwanan na ng tatlo niyang nakababatang kapatid dahil siya na lang ang single.
Lampas nang 40 anyos ang anak kong si Boboy pero parang wala pang balak na mag-asawa. Hindi naman siya isang alanganing lalaki, macho at may pirmihang trabaho na makapagtataguyod ng pamilya.
Sakitin na kaming mag-asawa at inaalala namin na sakali’t tuluyan na kaming igupo ng karamdaman, mayroong asawa na mag-aalaga kay Boboy. Nakukulitan na nga siya sa akin dahil sa pagtataboy ko na magpakasal na siya. Hindi ko alam kung bakit sa ilan nang babaeng naging nobya niya, wala pa siyang napipiling maging katuwang sa buhay. Palagi niyang sinasabi sa akin na ayaw pa niyang patali dahil enjoy pa siya sa buhay binata.
Mayroon po bang mahigpit na dahilan ang isang lalaki para tumangging magkaroon ng commitment? Natural lang po ba ito sa isang maselang binata? Inaalala ko tuloy na baka sa kapipili ni Boboy ay matapat siya sa bungi.
Maraming salamat po at may the good Lord bless you always.
Aling Carmi ng Q.C.
Dear Aling Carmi,
Bilang magulang, wala sa atin ang desiyong kung paano gusto patakbuhin ng ating anak ang kanilang buhay. Dahil siya pa rin ang mamimili. Ang pananatiling binata ang preference ng iyong anak sa ngayon. Kaya makabubuting hayaan mo na muna siya sa kanyang desisyon.
Hindi rin naman magiging mabuti kung ipipilit mo siya sa buhay may asawa kung hindi pa siya handa sa lahat ng adjustment para dito, lalo pa’t nag-e-enjoy pa nga kamo siya sa buhay-binata. Maaaring hindi siya maging faithful sa asawa niya at posibleng mauwi sa alanganin ang kanilang relasyon.
Naniniwala ako na may nakatakda sa bawat isa sa atin. Kaya sa sandaling dumating ang para sa kanya, hindi na niya ito magagawang talikuran. Ipagpatuloy mo lang ang pagdarasal para sa iyong anak, malaking tulong ito para mapabuti siya.
Dr. Love
- Latest
- Trending