In-love pa rin kay Mimi

Dear Dr. Love,

Noong una, tinatanong ko ang sarili kung bakit nga ba ako umibig kay Mimi na kung tagurian ko ay ang babaeng may serbesa figure. Pero ako lang po ang gusto kong tumawag sa kanya ng ganito.

Nagagalit din po ako kapag nagtatanong ang mga kapatid ko kung bakit ang ipinagpalit ko kay Cherry na may magandang katawan at maamong mukha ay si Mimi. Para sa akin Dr. Love, hindi mataba si Mimi kundi healthy lang. Mahal ko po talaga siya.

Kaya naman marami ang nagtaka nang ma­ kipag-break sa akin si Mimi. Ipinagtapat niya sa akin na may congenital heart disease siya at walang kakayahang mabigyan siya ng anak. Kaya wala rin daw patutunguhan ang aming relasyon.

Sinabi ko sa kanya na, pwede kaming mag-ampon pero ayaw niya. Dahil hindi rin daw kami liligaya kung hindi magkakaroon ng sariling mga anak. Napakasakit para sa akin na talikuran ako ni Mimi, pero gusto kong respetuhin ang kanyang desisyon.

Nasa ibang bansa na po si Mimi. Pero umaasa ako na sana mabasa niya ang sulat kong ito. Dahil hanggang sa ngayon ay wala pa siyang kapalit sa puso ko.

Maraming salamat po Dr. Love at sana ay lumawig pa ang column ninyong ito.

Dereck

Dear Dereck,

Bihira na lang ang lalaking hindi bumabase sa pisikal na anyo para sa babaeng mamahalin. Naniniwala ako na kung talagang inilaan ang puso ninyo ni Mimi, gaano man kalayo ang pagitan ninyo ay ipaglalapit kayo ng tadhana. Kasama mo ang pitak na ito sa panalangin na makarating ang mensahe ng pagmamahal mo para kay Mimi. Hangad ko ang kaligayan ng inyong puso.

DR. LOVE

Show comments