Umatras sa kasal

Dear Dr. Love,

Ikakasal na sana ako kay Cen noong nakaraang taon pero umatras ako sa aming engagement. Hindi ko kasi kakayanin na makasal sa isang lalaki na gusto lang pala akong maging yaya ng kanyang anak.

Balo si Cen. Namatay ang kanyang asawa sa kumplikasyon sa pagsisilang ng kanilang baby. Tatlong taon pa lang silang nagsasama bilang mag-asawa nang siya ay sumakabilang buhay. Tatlong taon na rin ang naulila sa inang anak nilang babae.

Nagsimula akong magdalawang-loob sa pagpapakasal kay Cen nang isama niya ako sa kanilang tahanan. Puro litrato ng kanyang nasirang asawa ang nasa dingding at parang naasiwa ako.

Kaagad niyang sinabi na sana kung ma­kasal kami, huwag kong aalisin ang lara­wan ng kanyang asawa. Nasaktan ako. Dito na nagsimula ang samaan ng aming loob hanggang tinanong ko siya kung mahal niya ako tulad ng pagmamahal niya sa nasira niyang asawa. Ayaw niyang sabihin ang nais kong marinig mula sa kanya.

Dito nabuo ang pasya ko at nagkaroon kami ng heart-to-heart talk. Inamin ni Cen na talagang hindi pa siya handa na magmahal muli ng ibang babae. Iniurong ang kasal at ni hindi man lang nagtangka na magbagong-isip si Cen kahit man lang pabalat-bunga.

Tama lang po ba ang ginawa kong desis­yon? Sana po, mailathala ninyo ito at baka sakaling makaabot sa lalaking mahal ko pa rin hanggang ngayon.

Gumagalang,

Flora

Dear Flora,

Sumasang-ayon ako sa naging desisyon mo. Dahil kung hindi kayang isalba ng pagmamahal mo kay Cen ang sitwasyon maa­aring kahantungan mo sa piling niya sakaling makasal kayo, mas malaki ang tsansang hindi ka maging maligaya sa inyong pagsasama.

Kaya mas maigi pa na bago mo pasukin ang isang bagay ay matiyak mo na nakahanda sa anumang kalakip nito. Para wala kang pagsisihan sa huli.

Dr. Love

Show comments