Dear Dr. Love,
Sa aking paniniwala, wala na akong karapatan pang panghimasukan ang buhay ng aking kaisa-isang kapatid na babae, na siyang naiwan sa aming family house sa probinsiya mula nang mamatay ang aming mga magulang na kinalinga niya, bukod pa sa pagtaguyod sa naiwang responsibilidad ng mga ito noong kami ay nag-aaral pa.
Pero dahil sa utos ng dalawa ko pang kapatid, nagsadya ako sa aming probinsiya para makumpirma ang nakarating na balita sa aming mga kapatid tungkol sa pakikipagmabutihan ni ate sa isa sa aming magsasaka sa bukid. Nag-aalala lamang sila na baka kuwartahan lamang o kamkamin ang minanang ari-arian ni ate ang layon nito.
Nang makausap ko si ate, tinawanan lamang niya ang tungkol dito dahil mapapatunayan niyang mali ang akala ng kanyang mga kapatid tungkol sa magiging ama ng kanyang dinadalang sanggol.
Nang ipatawag niya si Bernardo, sinabi nito na handa siyang pumirma ng anumang kontrata na tanging ang sanggol lamang nila ni ate ang pakikialaman niya at hindi ang ano mang kabuhayan o minana nito.
Sabi pa ni ate dapat kaming magpasalamat dahil mayroong isang Bernardong nagkalakas loob na manligaw sa kabila ng agwat ng kanilang edad, kaya nagkaroon ng katugunan ang pagnanais niyang magkaroon ng sariling pamilya, sa natitirang panahon niya sa mundo.
Kinumbida niya kami sa kasal nila ni ate bago mailuwal ang kinasasabikang anak ng aking kapatid.
Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham ko at more power to you.
Gumagalang,
Dante
Dear Dante,
Malinaw na na-realize ninyong wala kayong dapat pangambahan para sa inyong nag-iisang kapatid na babae. Mahabang panahon din siyang nag-iisa dahil mas pinili niyang pahalagahan ang para sa kapakanan ng iba mo pang kapatid, lalo na ng inyong mga magulang. Ngayon na may pagkakataon naman siyang alalahanin ang para sa sarili niyang kaligayahan, huwag ninyo itong ipagkait sa kanya.
At dahil stable na ang inyong mga buhay, sa inyong munting paraan ay kayo naman ang umalalay sa inyong kapatid na nagmahal at nagmalasakit ng totoo sa inyong kapakanan. Magkaroon kayo ng malaking partisipasyon para sa kanyang kasal, lalo na sa nalalapit niyang pagluwal sa inyong pamangkin sa kanya.
Dr. Love