Hindi ko po akalain na magkakaroon kami ng hindi pagkakaunawaan ng pinsan ko dahil ang tinalikuran niyang boyfriend noon ay siyang naging asawa ko.
Limang taon ang naging pagsasama nila Noime at Randy, alam ito ng buong bayan namin kaya naman wala nang nangahas na pumorma sa pinsan ko na maganda at matalino. Pero nagulat ang lahat nang bigla itong mag-asawa ng Amerikano at nawala na sa eksena si Randy.
Noong mga panahong ito, ako ang naging takbuhan ni Randy. Palibhasa’y alam niyang malapit kami ni Noime. Hanggang sa nahulog ang aming damdamin sa isa’t isa, nagkaroon kami ng relasyon na humantong sa kasalan.
Naging maligaya naman ang aming pagsasama. Sa loob ng sampung taon, nagkaroon kami ng dalawang anak at sinuwerte rin kami sa aming negosyo. Siya namang pagbabalik ng pinsan kong si Noime na diniborsiyo ng kanyang asawa.Wala silang anak.
Nagpapasaring po siya tungkol sa pagiging mag-asawa namin ni Randy at damdam ko na nagsisisi siya sa ginawa niya dahil sa sinapit ng kanyang buhay may asawa at sa kabilang dako ay naging maligaya ang tinalikuran niyang nobyo sa piling ko.
Nang sabihin ko ito kay Randy, tumawa lang siya at sinabing pagpasensiyahan ko na ang kanyang ex dahil ang itinapon niya ay sinalo ko at inalagaan. Ayaw kong mayroong taong nagagalit sa akin. Kailangan ko pa bang kausaping muli si Noime para magpaliwanag? Masakit ang loob ko sa mga parunggit niya. Pero hindi ko naman makuhang tuluyang magalit sa kanya dahil nga sa nangyari sa kanyang buhay.
Maraming salamat po sa inyong payo.
Gumagalang,
Dulce
Dear Dulce,
Huwag mo nang pasakitin ang ulo mo sa pag-iisip kung dapat o hindi dapat pang kausapin ang pinsan mo. Dahil kung tutuusin ay wala kang dapat ipaliwanag sa kanya. Hindi mo kasalanan kung naghihinanakit man siya sa panghihinayang dahil maligaya kayo ni Randy sa piling ng isa’t isa. Ang importante nagkakaunawaan, nagmamahalan at maligaya ang pamilya ninyo ni Randy. Tama ang asawa mo, pagpasensiyahan mo na lang ang pinsan mo.
Dr. Love