Housebound si Mister

Dear Dr. Love,

Tatlong taon nang walang trabaho ang mister ko na si Tony dahil nakasama siya sa lay-off ng pinapasukang electronic company. Salamat na lang at may trabaho ako, kaya nagdesisyon kami na habang hindi pa siya nakakahanap ng mapapasukan ay sa bahay muna siya para makapag-full time ako sa pabrika.

Hindi madali para kay Tony na maging taong bahay lamang at mag-alaga sa dalawa naming anak. Pero dala ng pangangailangan, nagawa niyang maka-adust sa tungkulin bilang Ta-Nay. Natuto siyang magluto at linisin ang bahay, magpaligo ng mga bata at pakainin ang mga ito.

Pero sa kabila ng pagsisikap din niyang maka­tulong sa akin, marami pa rin kaming naririnig na mga parunggit mula sa akin at sa kanyang mga magulang.

Mula sa aking magulang, awang-awa raw sila sa akin dahil ako ang bumabalikat sa trabaho ng isang ama. Mula naman sa mga magulang ni Tony, ginagawa ko raw tsimoy ang aking asawa.

Pero kapwa namin hindi na pinapansin ang ganitong mga parunggit dahil pinag-usapan naman namin ang arrangement na ito. Ang sabi ko kay Tony, huwag siyang mag-init sa mga pamumuna ng iba na isa lang siyang patabaing alaga. Kung bibigyan kako niya ng pansin ang mga taong ito na mahilig lang sa tsismis, walang mangyayari sa aming buhay.

Pero nasasaktan din ako kung malungkot si Tony dahil wala pa nga siyang mapasukang trabaho. Kahit nga anya basurero papasukin niya dahil nahihiya na siya sa akin na solong kumakayod.

Naaaba na ba si Tony sa sarili dahil tumatalab na ang pambubuska ng kanyang pamilya? Ano po ba ang dapat kong gawin?

Gumagalang,

Nerissa    

Dear Nerissa,

Ang pinkamahalaga sa mag-asawa ay ang mapanatili ang pagkakaunawaan at pagkaka­sundo. Tama ang ginagawa ninyong huwag pa­apekto sa sinasabi ng iba. Dahil tunay na walang mapapala dito.

Lagi mong iparamdam sa iyong asawa ang pagmamahal mo sa kanya at ipakita na masaya ka sa kabila ng pagbabago sa inyong tungkulin. Sikapin mo rin na laging mapalakas ang kanyang loob at maging positibo sa lahat ng oras.

Dr. Love

Show comments