Best friend
pala ang mahal
Dear Dr. Love,
Loveless po ako ngayon matapos makipagkalas sa isang officemate. Alinsabay sa pangyayaring ito ang pagka-realize ko na ang lumayo kong best friend pala ang mahal ko.
Niligawan ko noon si Lyd dahil sa kauurot ng aking mga kasamahan. Pareho kasi kaming walang kasintahan noon at medyo type ko rin naman siya dahil maganda at matalino.
Ang problema nga lang, nang maging magkarelasyon kami nawala naman ang best friend ko. Alam ko po na may pagtatangi sa akin si Melba pero pagkakaibigan lang talaga ang nararamdaman ko para sa kanya.
Lumayo na sa akin si Melba sa panahon na mag-on kami ni Lyd. Saka ko lang na-realize na ang matalik na kaibigan ko ang mahal ko. Mas compatible kami ng best friend ko.
Gusto ko po balikan ang masasayang araw namin ni Melba. Ipagtatapat ko sa kanya ang nasa kaibuturan ng aking puso. Kaya nga lang, parang nag-aalanganin akong puntahan ang best friend ko dahil nga hindi ko isinaalang-alang ang kanyang pagmamahal sa akin.
Hindi po ba magiging kakatwa ang gagawing kong ito? Ano po ba ang dapat kong gawin? Payuhan mo po ako, Dr. Love. Hindi na masaya ang buhay ko ngayon nang mawala si Melba.
Maraming salamat po at hintay ko po ang inyong kasagutan.
Lubos na gumagalang,
Melo
Dear Melo,
Malimit, kailangang mawala pa sa atin ang isang bagay o kahit sinong karelasyon para makita natin ang kahalagahan nito sa ating buhay.
Pero hindi mo naman malalaman ang maaaring maging tugon o maaaring sitwasyon ngayon ng iyong best friend kung hindi mo susubukan. Hindi naman magiging masama ito dahil wala na kayo ng iyong girlfriend. Kaya go at good luck!
Dr. Love