Dear Dr. Love,
Itago na lang po ninyo ako sa pangalang Doris. Isa po akong dating OFW sa Hongkong at ngayon ay may-ari ng isang karinderya dito sa aming lugar.
Sa hanap-buhay kong ito nakilala si Douglas, nagsabing binata siya at ang kasama niyang unipormado ring pulis na si Mario may syota naman. Suki ko sila na asikasong-asikaso pa ng mga katulong sa karinderya dahil nagbibigay pa ng tip.
Pero nang kaibigan na ako na nasa kaha ay nagpapalista na at binabayaran pagkalipas ng isang linggo.
Nang magsimula nang magpalipad hangin sa panliligaw si Douglas ay nagkaroon na ako ng hindi magandang kutob. Nagsisimula na siyang pumalpak sa pagbabayad kaya humaba ang listahan ng utang niya.
Dahil dito, inimbitahan ko ang kapatid kong kumukuha ng criminology para kaliskisan ang mamang pulis. Nagkunwaring parokyano ang kapatid ko at sa pakikipag-usap niya ay nabuko si Douglas. Kaya pinapunta ng kapatid ko ang isang tunay na pulis, kapatid ng kaklase niya. Na siyang kumumpirma na pekeng pulis nga ang mama. Isa pala itong snatcher at miyembro ng sindikato.
Gusto ko sanang lumipat ng pwesto pero tiniyak ng tunay na pulis na bibigyan kami ng proteksiyon. Ang totoong pulis na ito ay si Roland, mister ko na po siya ngayon.
Ang kapalaran nga naman, Dr. Love. Muntik na sana akong magantso ng isang pekeng pulis pero isang tunay na pulis ang nagligtas at tumulong sa akin.
Ngayon po ay nakapagpundar na ako ng catering service. Sana po magsilbing inspirasyon ang karanasan ko na sa sipag at tiyaga mabubuhay ng marangal. Mahalaga rin ang marunong maghintay para makatagpo ng mabait at mahusay na lalaking katuwang sa buhay.
Maraming salamat po at more power sa inyo.
Gumagalang,
Doris
Dear Doris,
Sumasang-ayon ako sa paniniwala mo at natutuwa sa kakaibang twist sa iyong love life. Natitiyak ko na napangiti mo rin at nabigyan ng magandang inspirasyon ang ating mga readers. Good luck sa business n’yong mag-asawa. Hangad ko ang patuloy mong pamumuhay ng mapayapa at maunlad.
DR. LOVE