Dear Dr. Love,
Nangako na po akong magbabago. Kaya nga po lumiham ako sa inyo para humingi pa ng payo kung paano ko mapapanumbalik ang tiwala sa akin ng aking misis na parang tumigas na ang loob at naging malamig na ang pagtingin sa akin dahil sa wala raw akong kasawa-sawa sa pambababae.
Kung makikisama pa ang aking asawa sa akin sa isang bubong, palagay ko ito ay dahil na lang sa aming dalawang anak na teenager. Mga babae pa naman at parehong maganda.
Noon ay hinamon na niya akong makipaghiwalay sa akin kung hindi ako magbabago sa pagiging palikero at walang pinatatawad kahit may asawa. Pero hindi ko siya pinatulan noon at inamo-amo dahil sa nag-iiyak ang dalawa naming anak.
Pero nitong huli, nakapagpasya na akong magbagong buhay na. Nakatulong sa pasyang ito ang isang pangyayari na isang babaerong lalaki ang nagbaril ng sarili nang hindi na niya matagalan ang usig ng konsiyensiya. Binantaan kasi ito ng asawa ng kanyang babae na papatayin kung hindi titigil ng pagnanakaw ng aliw sa isang babaeng may asawa.
Naantig din ang kalooban ko sa pagkakasakit ng aking asawa ng alta presyon bunsod ng sama ng loob. Hindi ko gustong mangyari sa pamilya ko ito.
Ang problema ko po ay paano makukumbinsi ang aking asawa na isa na akong repormadong mister at kailangan ko ang tulong niya para ganap akong makapagbago. Pagpayuhan po ninyo ako. Gusto ko pong manumbalik ang dating masaya naming tahanan. Maraming salamat po at more power to you.
Gumagalang,
Domeng
Dear Domeng,
Kung talagang sinsero ang iyong kagustuhan na manumbalik ang masaya ninyong tahanan, sikapin mo na maging matiyaga para makumbinsi ang kalooban ng iyong asawa sa sinasabi mong pagbabago. Obviously hindi naging madali sa kanya ang pagdadala ng sama ng loob dahil nagdulot ito ng sakit na maaaring habang buhay na niyang dalhin.
Gayunman, naniniwala ako na sa isang mag-asawa hindi nawawala ang puwang. Kailangan lamang ay mapatunayan ang katapatan. Isang magandang senyales ang pagtanggap mo sa iyong pagkakamali. Samahan mo ng dasal ang panunuyo sa iyong asawa at kung posible ay hingin mo ang kooperasyon ng inyong mga anak.
Kasama mo ang pitak na ito sa pagdarasal na ganap na maging masaya ang inyong pamilya.
Dr. Love