Dear Dr. Love,
Itago mo na lang ako sa pangalang Candy. May pagka-personal na masyado ang aking problema kaya hayaan po ninyong pahapyaw ko na lang sabihin ang mga sirkumstansiya kaugnay nito.
Sumakabilang buhay na po ang aking mister dahil sa karamdamang cancer. Bago siya tuluyang iginupo ng karamdamang ito, ipinakiusap niyang mangako ako na hinding-hindi ko sasabihin kaninuman ang tungkol sa aming pangalawang anak.
Bunga po kasi ang bata ng aking pagkakasala. Nang malaman kong sterile siya ay nagkaroon ako ng ugnayan sa ibang lalaki. Inalok ko siya ng hiwalay pero pinili niyang mahalin na parang tunay na anak ang bata. Sa katunayan, ang lahat ng kanyang naipundar ay pantay niyang hinati sa aming mga anak, maging sa akin.
Dr. Love madalas naming mapag-usapan ng aking mister noong malakas pa siya, na kapag wala na siya, pwede akong humanap ng mapapangasawa at ang piliin kong kapalit niya ay hindi madedehado ang pagtrato sa dalawa naming anak.
Dapat ko po bang sundin ang bilin ng aking asawa at ang pangako ko na huwag ipaalam ang tungkol sa tunay na pagkatao ng aming bunsong anak o dapat ko po itong ipagtapat sa mga bata sa tamang panahon?
Maraming salamat po at hihintay ko ang inyong mahalagang payo.
Yours sincerely,
Candy
Dear Candy,
Wala akong nakikitang masama sa mga ipinakikiusap sa iyo ng iyong asawa kaugnay sa posibilidad na pag-aasawa mong muli. Gusto lang niya na mapanatiling nasa magandang kalagayan ang inyong mga anak.
Tungkol naman sa tunay na pagkatao ng inyong bunso, hindi habang panahon ay maitatago ang ano mang lihim. Marahil, pinakamainam na ipagtapat mo sa tamang panahon sa iyong bunso ang kanyang tunay na pagkatao. Dahil karapatan niya ito. At sa hustong gulang, maaaring makakaya na niyang panghawakan ng maayos ang kanyang damdamin at i-deal ito in a mature way.
Dr. Love