Dear Dr. Love,
Magandang araw sa iyo. Kung maaari, ikubli mo na lang ako sa alias na White Rose.
Mayroon akong boyfriend for two years. Minahal ko siya ng buong buhay ko pero hindi ko akalain na iiwanan niya ako.
Akala ko ay kami na ang magkakatuluyan pero napikot siya ng ibang babae. Nabalitaan ko na lang ‘yon at ni-katiting na salita ay wala na akong narinig sa kanya.
Sa sama ng loob ko, pumasok ako sa kumbento para magmadre.
Pero napansin ng madre ang kalungkutan ko sa loob ng kumbento at kinausap ako ng sarilinan. Tinanong ako kung taos sa loob ko na magmadre. Hindi ako makapagsalita ng diretso at sa kakausisa ng mother superior ay naipagtapat ko ang masaklap ‘kong kasaysayan.
Pinag-iisip niya ako. Puwede pa raw akong lumabas dahil ang pagmamadre ay bokasyon at ‘di dapat udyok ng pusong bigo sa pag-ibig. Hindi ko po alam kung ano ang dapat ‘kong maging desisyon, Dr. Love. Naguguluhan ako.
White Rose
Dear White Rose,
Tama ang Madre Superyora. Hindi dapat bunsod ng pagka-broken heart ang pagpasok sa ganyang bokasyon.
Ikaw lamang ang makapagdedesisyon batay sa iyong tunay na damdamin.
Hindi tama na dahil lamang sa isang lalaki ay masisira ang iyong buhay. Kaya mag-isip-isip kang mabuti.
Dr. Love