Dear Dr. Love,
Binabati kita at ang lahat ng tagasubaybay mo. Kumusta kayo. Tawagin mo na lang akong Elvie, isang misis na hiwalay sa asawa.
Kasal ako sa asawa ‘kong hiniwalayan. Nahumaling siya sa ibang babae at iniwan kaming mag-ina.
Hirap akong magtaguyod sa isa naming anak na iniwan niya sa akin. Nang may manligaw sa akin na may kaya sa buhay, hindi na ako nagdalawang-isip. Sumama ako sa kanya at nag-live-in kami. Inari niyang kanya ang anak ko.
Heto ang problema ko. Ididemanda raw ako ng adultery ng asawa ko. May karapatan ba siya?
Elvie
Dear Elvie,
Ano man ang rason mo sa pagsama sa mayaman mong manliligaw, mali pa rin at labag sa batas.
Pero mali rin naman ang asawa mo at kung ginusto mo, puwede mo rin siyang idemanda ng concubinage dahil nakipisan siya sa ibang babae gayung balido ang kasal ninyo.
Hindi ako abogado kaya ang payo ko, kumunsulta ka sa abogado. Kaya naman sigurong tustusan ng kinakasama mo ang serbisyo ng manananggol.
Dr. Love